Huwebes, Nobyembre 7, 2019

Sanggol na isang taong gulang, ina pa ang pumaslang

kasuklam-suklam ang ginawa ng ina sa anak!
bata'y pinatay dahil lang nairita sa iyak!
anong nangyari't nagkaganito ang kanyang utak?
at sarili pa niyang dugo itong pinahamak?

isang taong gulang ang sanggol, isang taong gulang
ngunit sarili pang ina ang sa kanya'y pumaslang
nasiraan na ba ng bait ang kawawang ginang?
bakit sariling anak ang sa dugo'y pinalutang?

humiwalay na ba ang puso sa ulo ng ina?
at walang awang tinaga ang mismong anak niya?
tama bang pumaslang kung sa iyak lang nairita?
o nadamay ang bata sa iba niyang problema?

habambuhay niyang pagsisisihan ang nangyari
baka tuluyang mabaliw, di na makapagsisi!
biktima rin ba siya ng lipunang mapang-api
kaya bumigay ang utak at gayon ang nangyari?

katarungan sa batang pinaslang ng walang awa
hustisya sa batang sariling ina ang tumaga 
baliw na ina'y ikulong sa rehas at isumpa
hayaan siya roong araw-gabi'y lumuluha

gregbituinjr.
* ang tula'y batay sa headline sa pahayagang Bulgar, na may pamagat na "1 yr. old baby kinatay, ginilitan ni Mommy", Nobyembre 7, 2019

Si Lenin, Dakilang Bolshevik

Si Vladimir Lenin ay isang dakilang Bolshevik
Na dapat nating aralin ang kanyang hinimagsik
Anong pamana niya upang madurog ang lintik
Na kaaway ng bayang masa’y nilublob sa putik

Bayani si Lenin para sa uring manggagawa
At isang inspirasyon ang kanyang mga nagawa
Obrero’y mulatin para sa sosyalistang diwa
At sa rebolusyon, manggagawa’y ating ihanda

Sa pagkilala kay Lenin, ang rebolusyonaryo
Ating itaguyod ang kapakanan ng obrero
Ibagsak ang bulok na sistema sa ating mundo
Pagkaisahin ang masa para sa sosyalismo

Aral ni Lenin at ng Bolshevik ay inspirasyon
Sa bulok na sistema’y huwag tayong magpakahon
Halina’t makibaka, sa hirap tayo’y aahon
Aral ng Leninismo’y aralin na natin ngayon

- gregbituinjr.

* Ang tula'y nilikha kasama sa powerpoint presentation hinggil sa Talambuhay ni Lenin na inihanda ng may-akda para sa pagsisimula ng Lenin 150 Seminar Series, kasabay ng ika-102 anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre.

Bitin pa rin ako sa aking mga ginagawa

bitin pa rin ako sa aking mga ginagawa
animo'y dumaan ang sigwang di pa humuhupa
problemang nakikita'y tila baga lumalala
ulan ay di tumitila, baha'y di bumababa

bakit ba sa mga aktibista'y naiinis ka
anong aming ginawa upang ikaw ay magdusa
wala, kundi patuloy lang kaming nakikibaka
upang palitan na ang nabubulok na sistema

dapat ko nang matapos ang mga ginagawa ko
pagkat presentasyon sa klase'y mamaya na ito
handa na kaya ako, di kaya ito magulo
di pwedeng bahala na, nais kong maging pasado

mamaya na ito kaya gawin ang dapat gawin
kung puyat, pahinga konti, ngunit dapat tapusin
gayunpaman, ang kalusugan ay alalahanin
marami pang gagawin, lipunan pa'y babaguhin

- gregbituinjr.

Palaisipan, ehersisyo sa isipan

bumili na naman daw ako ng palaisipan
pagkain ng utak, imbes na pagkain ng tiyan
walang ibang palipasang oras kundi sagutan
ang biniling sudoku't krosword kapag tanghalian

anong magagawa ko't nasasarapang sumagot
sa maraming palaisipang dati'y di ko abot
ngayon, pag di alam, ang ulo'y kinakamot-kamot
animo'y nasa kuko ang sagot na di mahakot

aba'y bilib din naman ako't nakakabuo rin
ang buong palaisipan ay nasasagot man din
sudoku, logic puzzle, krosword, pakaiisipin
animo'y di nagsasawa, araw-gabi mang gawin

halina't sagutan ang palaisipang narito
pampalipas ito ng oras at pampatalino
bakasakaling pampaganda pa rin ng araw mo
pag wala ka pang ginagawa'y sagutan mo ito

- gregbituinjr.