SA AKING DIWATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
tulad ka ng diwatang laging nasa isip
na sunod ng sunod sa aking panaginip
kaya ayoko nang dumilat sa pag-idlip
pagkat ganda't ngiti mo sa puso ko'y kipkip
gaya ng hangin, tinangay mo akong bigla
inilakbay ako sa ilog ng haraya
hanggang makadaong sa aplaya ng luha
upang doon kalayaan ay maunawa
at ngayon, iwi kong diwa'y nakaintindi
na ang paglaya'y di pagkamakasarili
kundi panlahat ang anyaya nitong silbi
upang madanas ng tao'y pawang kaybuti
ikaw ang diwata ng puso ko't haraya
na diwa ng pagbabago'y inaadhika
sabay kita at magkasamang ipupunla
ang binhi ng sosyalismo saanmang lupa
kita na nating kayraming naghihimagsik
at pagbabago ang kanilang hinihibik
diwa ng kalayaa'y ating ihahasik
bago kita, diwata, gawaran ng halik
patuloy kitang kumilos, aking diwata
upang sundin ang pintig ng ating adhika
mapakilos ang dukha't uring manggagawa
at maganap ang himagsik tungong paglaya