Martes, Hunyo 24, 2025

Imortal

IMORTAL

sa akin, ikaw na'y imortal
ganyan kita ituring, mahal
sa puso ko, ika'y espesyal
na nilagay ko sa pedestal

nasa dampi ka nitong hangin
nasa ulap sa papawirin
akin kitang titingalain
bituin sa gabing madilim

di mauubos ang salita
kahit maupos ang kandila
imortal ka sa puso't diwa
at buhay ka sa aking tula

ang buti mong taglay palagi
ang kaysarap hagkan mong labi
ang kaygandang mukha mo't ngiti
sa puso ko'y mananatili

- gregoriovbituinjr.
06.24.2025

* larawan mula sa google

Soneto sa pagkakape

SONETO SA PAGKAKAPE

kaylamig sa madaling araw
kaya napabangon sa ginaw
at ngayong umaga'y nagkape
habang isip ay pinutakte
ng samutsaring naninilay
habang dama ang pagkalumbay
may asukal kaya tumamis
ang kape, ingat, diabetes
ay baka naman manligalig
dapat patuloy pang tumindig
habang katawan pa'y malakas
dapat katawan pa'y lumakas
tara, tayo'y magkape muna
lalo't maginaw ang umaga

- gregoriovbituinjr.
06.24.2025