Martes, Pebrero 20, 2024

Alikabok

ALIKABOK

kailangang kilusang masa'y palakasin
nang nawalang tinig ng api ay bawiin
ang alikabok man kung aalalahanin
sa mata ng naghahari'y makapupuwing

kaya magpatuloy tayong mag-organisa
upang mamulat sa mga isyu ang masa
upang sila'y magalit sa trapo't burgesya
upang mapalitan ang bulok na sistema

ang mahihirap ay tinuring na basahan
parang alikabok na aapak-apakan
dapat bawiin ang puri o karangalan
na sa kanila'y inagaw nitong gahaman

bakit ba dukha'y tinuring na alikabok?
sabi sa awit na dapat nating matarok
tayo'y kumilos, baligtarin ang tatsulok
at silang dukha'y ilagay natin sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
02.20.2024

Nilay

NILAY

naritong nakatitig sa ulap
pagkat buhay ay aandap-andap
nais sumakay sa alapaap
nang tunguhin ang pinapangarap

nakatunganga muli sa notbuk
upang kathain ang ilalahok
sa patimpalak, isang pagsubok
kung makakarating ba sa tuktok

nakasulyap pa rin sa kawalan
walang malirip sa katagalan
ginawa'y nagpahinga na lamang
at nakatulog sa kalaunan

ganito minsan pag nagmumuni
minsan, nakatingin sa kisame
pinagninilayan ang diskarte
upang kwento't tula'y mapabuti

- gregoriovbituinjr.
02.20.2024