Huwebes, Oktubre 23, 2025

Inumin ng tibak na Spartan

INUMIN NG TIBAK NA SPARTAN

tsaang bawang, luya at malunggay
ang kadalasan kong tinatagay
layon kong katawan ay tumibay
kalamnan ay palakasing tunay

lalo't araw-gabing nagninilay
nagsusulat ng kwento't sanaysay
titingala sa punong malabay
sa buhawi'y di nagpapatangay

kailangan sa mahabang lakbay
ay mga tuhod na matitibay
uminom ng katamtamang tagay
hanggang isipan ay mapalagay

pag pakiramdam mo'y nananamlay
inom agad ng tsaang malunggay
luya't bawang na nakabubuhay
aba'y agad sisigla kang tunay

- gregoriovbituinjr.
10.23.2025

Payabat at Arô

PAYABAT AT ARÔ

sa Anim Pababâ: Pangingitlog ng isdâ
at sa Labing-isa Pahalang: Munting bilog
ay, di ko batid ang gayong mga salitâ
tila baga kaylalim ng pananagalog

sinagot agad ang Pahalang at Pababâ 
hanggang lumabas na kung anong tamang tugon
PAYABAT pala ang pangingitlog ng isdâ
at ARÔ ang maliit na bilog na iyon

dagdag kaalaman sa wikang Filipino
na dapat kong itaguyod bilang makatâ
na nais kong ibahagi kahit kanino
upang mapaunlad pa ang sariling wikà

maraming salamat sa PAYABAT at ARÔ
mga katagang kay-ilap na tila gintô

- gregoriovbituinjr.
10.23.2025

* krosword mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Oktubre 23, 2025, p 10
* Payabat in English: Definition of the Tagalog word payabat 

Sa bayan ng mga kurakot

SA BAYAN NG MGA KURAKOT

nakilala ang bayan ng mga kurakot
dahil sa buwaya't buwitreng nanunulot
ng proyektong flood control na katakot-takot
ang bilyones na perang kanilang nahuthot

mga bata'y di makapasok sa eskwela
dahil dadaanan nila'y bahâ talaga
bahâ paglabas pa lang ng tahanan nila
bahâ pagpasok pa sa trabaho ni ama

ano nang nangyari sa proyektong flood control
na sana'y di binabahâ ang mga pipol
di sa flood control, sa pansarili ginugol
kabang bayan ay dinambong ng mga ulol

ang kakapal ng mukhâ ng mga kurakot
nagpayaman sa pwesto, kaban ay hinuthot
sa bilyones na ninakaw sila'y managot
dapat silang makulong at di makalusot

nagbabahâ pa rin sa maraming probinsya
at kalunsuran dahil sa ginawa nila
proyektong bilyon-bilyon ay naging bulâ na
sinagpang ng walang kabusugan talaga

napakinggan ng bayan ang mga kontrakTONG
sa harap ng TONGresista't mga senaTONG
inamin nilang sa badyet ay may insersyon
sigaw ng bayan: lahat ng sangkot, IKULONG!

- gregoriovbituinjr.
10.23.2025

* litrato kuha sa Luneta, Setyembre 21, 2025

Lakbay-nilay

LAKBAY-NILAY

maglalakad ba o sasakay
sa malayo-layo ring lakbay
aba'y di na sila nasanay
na ehersisyo'y aking pakay

subalit kapag sasakay ka
may barya ka ba sa umaga?
o buô pa ang iyong pera
kung di masuklian, pa'no na?

destinasyo'y nakasasabik
pagkat may ugnay sa panitik
lalo't literatura'y hitik
sa gunam, libog, libag, barik

tumulâ, tumukâ, tumudlâ
kwaderno't pluma'y laging handâ
daanan man tayo ng sigwâ
ay makasusulat ng tulâ

- gregoriovbituinjr.
10.23.2025