Biyernes, Mayo 8, 2020

Pasaring

tahimik lang ako kahit laging pinariringgan
ng kung anu-ano, tila ako'y sinisiraan
kaya maaga akong nagluluto ng agahan
sa gabi'y nasa kusina't lahat na'y huhugasan

bingi-bingihan na lang, puso'y ginagawang bato
kaysa manapak, masisira lang ang sarili mo
pabayaan na lang ang mga ugaling ganito
kahit nanggigigil gulpihin, tawanan lang ito

ayoko nang makasama ang ganyang magngangawa
sobra na kung sabihin kong mamatay siya nawa
ngatngatin ko na lang ng hinlalato ang kuhila
pakyu, pinapakyu ko na lang ang kanyang bunganga

panahon nang sa ganitong tao'y mapahiwalay
pag nakakasama siya'y di ako mapalagay
gayunpaman, tungkuling tangan ko'y di mapipilay
ipakitang ako pa rin ang pinakamahusay

- gregbituinjr.

Patuloy sa page-ekobrik

nagpapatuloy pa rin ako sa page-ekobrik
anuman ang tawag basta't ginugupit ang plastik
ginagawa habang lockdown kaysa mata'y tumirik
nagbibigay ng siglang tila sa akin nagbalik

habang kwarantina pa'y marami ring nagagawa
maging malikhain lang at maraming malilikha
nag-iisip, naggugupit, ang diwa'y kumakatha
maya-maya, sa katabing kwaderno'y itatala

mga nagupit na'y ipapasok sa boteng plastik
bawat nagupit ay isisiksik nang isisiksik
hanggang tumigas na animo'y batong itinirik
na magiging upuan o mesa ng katalik

ituring mong ito'y ehersisyo sa iyong lungga
pag nangalay ang kamay, saka ka lang tumunganga
sa puting ulap at bughaw na langit tumingala
baka musa ng panitik ay dumalaw sa diwa

- gregbituinjr.

Alaala ng isang gipit

pag may sampung piso sa bulsa
bibilhin ko ba'y ensaymada?
o isang kanin sa kantina?
ito kaya'y mapapagkasya?

dalawang dekada'y nagdaan
na ganito ang karanasan
lalo't pitaka'y walang laman
natutuliro ang isipan

isang pultaym na walang-wala
kumilos para sa adhika
pagkat ang masa'y lumuluha
kailanga'y bagong simula

ganito ang yakap kong buhay
na buong pusong inaalay
ngunit dapat pa ring magsikhay
para sa marangal na pakay

- gregbituinjr.