Lunes, Disyembre 23, 2013

Payak na pamumuhay

PAYAK NA PAMUMUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

payak na pamumuhay lang ang pangarap ko't hangad
kahit walang salapi kung ito ang tanging palad
karangalan at pagkatao'y di nababaligtad
ang paa'y lapat sa lupa't ang buhay ay di huwad
nabubuhay mang dukha ay di naman hubo't hubad

ang nais kong kamting buhay ay yaong maginhawa
bagamat di mayaman, di naman kaawa-awa
buhay ay may hustisya kahit pa nagdaralita
taas-noo, nagpapakatao, di hampaslupa
nabubuhay nang marangal kahit pa walang-wala

sa bawat araw ay tatlong beses nakakakain
kapwa'y kapantay, di magagawang api-apihin
pagkatao't puri ng kapwa'y ginagalang man din
ang pagkagutom ng tiyan ay mas mamatamisin
kaysa pag-aari ng iba'y kunin at angkinin

sa buhay na payak, malinis na loob ang una
kung anong mga naririyan ay tatanggapin na
di maiinggit o maghahangad ng sobra-sobra
di magnanasa ng kagitna't magsasamantala
sa piniling landas, pagkatao ang mahalaga

Mga sirang arinola

MGA SIRANG ARINOLA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sila ang tagasalo ng ihi ng iba
di lang isa, kundi dalawa o higit pa

kahit maghalo-halo'y walang pakialam
tutal, ang tulad nila'y walang pakiramdam

sila ang tagasalo ng ihing mapalot
na para bang tagakupkop ng mga salot

alingasaw yaong kanilang pagkapanghi
na ang pinakaubod ay sadyang kadiri

tila ang natatangi nila ditong layon
mga dumi ng iba'y sila ang lalamon

sila'y hanap pag pantog na'y nag-alburuto
silang kita ang itinatago ng tao

ngunit sila'y nagagatô rin, naluluma
anumang salo, nababasa na ang lupa

butas na ang ilalim, di na mapasakan
paglilingkod nila'y nagwakas nang tuluyan

nagsisilbi sila'y wala na palang silbi
parang trapong di matipon ang mga dumi

anong dapat sa mga sirang arinola
itapon na sila, tama na, palitan na!