Huwebes, Marso 21, 2013

Walang Bagong Damit, Sobrang Likhang Damit


WALANG BAGONG DAMIT, SOBRANG LIKHANG DAMIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Nay, anang isang dalagang sakdal ng rikit
ibili nyo naman ako ng bagong damit
Wala akong pambili ng damit mo, anak
tugon ng inang sa sahig nakasalampak

Bakit, Nay, wala kang pambili ng damit ko
kaybaba na ba ng tinatanggap mong sweldo
Kasi, anak, ako'y walang trabaho ngayon
at di sapat itong aking mga naipon

Sa sinabi, ang anak ay natitigagal
bakit po, Nay, sa trabaho kayo'y tinanggal
Sobra na raw ang damit na aming nagawa
kaya nagtanggal na ng mga manggagawa

Bakit ganun, Nay, wala kang pambili ng damit
tinanggal ka dahil sobra-sobra na ang damit
Ganyan ang sistemang kapitalismo, anak
ang manggagawa'y pinagagapang sa lusak

Sistemang iya'y pinaunlad ng obrero
sistemang ang puso'y pawang tubo, di tao
Sobrang produkto'y di para pakinabangan
ng sinuman, ito'y para lang pagtubuan

Maglumuhod ka man, at tuhod mo'y magdugo
ito'y para lang sa kapitalistang tubo
Kaya, dapat palitan ang sistemang iyon
para sa bukas ng sunod na henerasyon