Biyernes, Pebrero 4, 2022

#123 Partido Lakas ng Masa (PLM) partylist

#123 Partido Lakas ng Masa (PLM) partylist

numero Uno-Dos-Tres ay ating pakatandaan
para sa Partido Lakas ng Masa, atin iyan
ang P.L.M. partylist natin ay ihalal naman
nang may kasangga tayo sa Kongreso o Batasan

dala ng ating partylist ay mabuting layunin
para sa maliliit, sa dukha't kauri natin
iyang salot na kontraktwalisasyon ay tanggalin
mapanirang batas sa kalikasan ay alisin

sa halalan, ang Partido Lakas ng Masa'y lumahok
upang labanan at palitan ang sistemang bulok
ng Lipunang Makatao, upang masa'y di lugmok
upang manggagawa naman ang ilagay sa tuktok

tunay na partidong makatao at may prinsipyo
una ang tao, di tubo; una'y kapakanan mo
bilang dukhang dapat kasama sa lipunang ito
sa ngayon, kailangan ang totoong pagbabago

P.L.M. partylist, panlaban sa trapong hunyango
tandaan ang Uno-Dos-Tres, pinatakbo't uupo
tunay na lingkod ng masa, tapat sa pamumuno
P.L.M. partylist, sa sistemang bulok susugpo

- gregoriovbituinjr.
02.04.2022

Sa ika-123 anibersaryo ng Fil-Am War

SA IKA-123 ANIBERSARYO NG FIL-AM WAR

petsa Pebrero a-Kwatro ngayon, anibersaryo
ng madugong gerang Pilipino-Amerikano
pagpatuloy ng pakikibakang Katipunero
upang lumaya ang bayan mula sa tuso't dayo

nangyari matapos isuko ng mga Kastila
sa mga Amerikano ang pagsakop sa bansa
binaril ng isang sundalong Kano sa Maynila
ang isang kawal-Pinoy kaya digma'y nagsimula

digmaang tinuloy ng bayaning Macario Sakay
at ibang bayaning nais ay kalayaang tunay
dalawang daang libong Pinoy daw ang nangamatay
gawa ng mga Kano'y war crimes, nang-tortyur, nambitay

mayroon umanong peace protocol na nilagdaan
nang matigil ang digmaan at may kapayapaan
subalit Pilipino'y patuloy sa sagupaan
dahil pangarap kamtin ang tunay na kalayaan

sa anibersaryong ito, ating alalahanin
mga bayaning nangarap malayang bansa'y kamtin
talagang nakibaka ang mga ninuno natin
na nagbuwis ng buhay upang bansa'y palayain

- gregoriovbituinjr.
02.04.2022

Pinaghalawan ng datos:
litrato mula sa google
https://en.wikipedia.org/wiki/Philippine%E2%80%93American_War
https://www.filipinoamericanwar18991902.com/filamwarbreaksout.htm
https://ncca.gov.ph/about-ncca-3/subcommissions/subcommission-on-cultural-heritagesch/historical-research/the-philippine-american-war-1899-1902/

Ang paskil

ANG PASKIL

aba'y "pangma-manyak sa pampublikong transportasyon"
ayon sa nakita kong paskil sa M.R.T. doon
malaswang titig, salitang sekswal ang konotasyon
at dinagdag pang sa Safe Spaces Act, bawal iyon

sa usapan sa paskil ay mababasa ang siste
datapwat bawal mag-usap sa loob ng M.R.T.
"Tol, tagal mong tumitig sa boobs at legs ng babae"
na sinagot, "Pre, ang ganda kasi ng view dito, eh."

sa pader ng napuntahang M.R.T. nakakalat
ang mga ganyang paskil na talagang mapangmulat
na sa atin ngang kamalayan ay sumasambulat
"igalang ang kababaihan," ang sabing marapat

batas na "Safe Spaces Act" ay ating saliksikin
bakit may batas na ito'y namnamin at basahin
di dahil makukulong kundi esensya'y alamin
na tayo'y may nanay at kapatid na babae rin

- gregoriovbituinjr.
02.04.2022

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakbay mula bahay patungong opisina