Miyerkules, Abril 12, 2017

Pagtatagpo ng pamilya ng nangawala't biktima ng pamamaslang

nagtagpo yaong pamilya ng mga iwinala
at biktima ng mga walang prosesong pagpaslang
nagpalitan ng kwento sa isang munting programa
bakit batayang karapatan ay di na ginalang

sa bansang puno ng dusa sari-sari'y naganap
kapwa sariwang sugat ang sa puso'y maaapuhap
ang isa'y walang bangkay, hanggang ngayon naghahanap
ang isa'y may bangkay, hustisya ang hinahagilap

dama ng bayang nakabibingi ang katahimikan
habang di pa rin maramdaman ang kapayapaan
inaalagata ang sugat sa puso't isipan
ang kawalang katarungan ba'y mayroong hangganan

- gregbituinjr.

http://www.gmanetwork.com/news/story/606900/news/nation/kin-of-martial-law-abuse-ejk-victims-come-together-for-holy-week-remembrance

Tula sa sapilitang iwinala

sapilitang iwinala, dinukot
hustisyang asam, saan pumalaot
mababaon lang ba sila sa limot
sa nangyari'y sinong dapat managot

sinupil ang kanilang mga tinig
panahon iyon ng laksang ligalig
mga karapatan nila'y nilupig
sa nangyari'y sinong dapat mausig

karapatan nila'y winalanghiya
ilang bagyo'y nagdaan na sa bansa
ngunit kahit anino nila'y wala
ang nangyari'y sadyang kasumpa-sumpa

katarungan ba'y saan mahahango
nang di na matuliro yaring puso
nangyari'y sa puso nagpapadugo
sa paghahanap, di pa rin susuko

- gregbituinjr.
(binasa sa programang "Kalbaryo ng Kawalang Katarungan" na pinangunahan ng iba't ibang human rights group, Abril 12, 2017)