Sabado, Agosto 18, 2012

Ang Demolisyon ay Terorismo!


ANG DEMOLISYON AY TERORISMO!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tao tayong may karapatan sa pabahay
isang tahanang pahingahan nating tunay
pahingahan nitong katawang nagsisikhay
nagsisikhay upang ganap tayong mabuhay

kaya pag winasak mo ang tahanang ito
winasak mo'y dangal namin at pagkatao
ano pa nga bang maitatawag mo dito
alyas nga ng demolisyon ay terorismo

nais ng maralita'y isang negosasyon
na di sila maaapi't sila'y sang-ayon
may trabaho ba't serbisyo sa relokasyon
o mula sa danger zone, dadalhin sa death zone

teroristang demolisyo’y tamang labanan
dahil winawasak nito'y kinabukasan
ng pamilyang maralita't ng pamayanan
isa kang tuod pag tumunganga ka lamang

pinatutunayan ng kasaysayan dito
na demolisyon nga'y totoong terorismo
huwag maging tuod, labanan itong todo
kung di sa negosasyon ay sa mga bato

Muli bang maglilipana ang mga bato?


MULI BANG MAGLILIPANA ANG MGA BATO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matapos bahain ang buong kalunsuran
naghapag ng solusyon ang pamahalaan
peligrosong lugar ay duruging tuluyan
upang dukha'y di na ito mapamahayan

muli bang maglilipana ang mga bato
pag dinemolis ang bahay ng mga tao
sa dukha ang demolisyon ay terorismo
bato’y depensa sa karapatang pantao

ang bahay nila'y nilalaban ng patayan
pagkat walang maayos na paglilipatang
malapit sa pagkukunan ng lamang-tiyan
relokasyong may serbisyo, di kagubatan

sabi ng pamahalaang mapagkalinga
lahat ng mapanganib na lugar ng dukha
ay dapat daw walisin, pasabuging sadya
iskwater na kayrami'y dapat daw mapuksa

binaha ang iskwater, iyan ang sitwasyon
kaya pupulbusin ang kanilang pulutong
anang gobyerno sa maralita’y solusyon:
dukha’y ilipat mula danger zone sa death zone!

di yata sila natuto sa kasaysayan
nang Mariana'y dinemolis nagkabatuhan
Laperal, Corazon, Silverio, at saanman
dukha'y tangan ang mga batong pananggalang

bakit nasa peligrosong lugar ang dukha
bakit nagtitiis doon ang maralita
ang lugar nila'y ipagtatanggol pang lubha
dahil bawat bahay ay tahanang dakila

at kung gobyernong ito’y talagang seryoso
na dukha'y durugin sa pook na peligro
tiyak na dukha’y lalaban sa terorismo
at muling maglilipana ang mga bato