Biyernes, Disyembre 6, 2024

Dalawang anekdota sa pinuntahan kahapon

DALAWANG ANEKDOTA SA PINUNTAHAN KAHAPON

Dalawa ang pakay ko kahapon, ang magpapirma sa mga doktor para sa promissory note at pumunta muli sa DSWD. Kaya dalawang klaseng tao ang nakausap ko - doktor at social worker.

Kailangan kong magpapirma sa labing-apat na doktor na tumingin kay misis para sa promissory note upang makalabas ng ospital. Hindi raw kasi maaari ang promissory note pag hospital bill, na dapat daw ay bayaran ng buo. Pang-apatnapu't limang araw na namin ngayon, sabi ng mga doktor ay pwede na siya lumabas. Subalit sa billing station, hindi pa hangga't di nabubuo ang bayad.

Nakapapagpapirma ako sa unang doktor na dumalaw kay misis nang magtungo ako sa kanyang tanggapan, ikasampu ng umaga kahapon. Sa ikalawang doktor naman ay nakapagpapirma ako bandang alas-onse y medya. Nang mapirmahan niya iyon, sabi niya sa kanyang sekretarya, "Ito 'yung pasyenteng takot na takot kami dahil baka mamatay. Buti naman at naagapan."

Ikalawa, nang magtungo ako sa DSWD dahil may pinakontak ang isang staff ng partylist na DSWD staff. Agad ko naman iyong pinuntahan. 

Sa panayam sa akin ng social worker, at pagtingin niya sa mga papel lalo na sa SOA o statement of account, ang agad na komento niya, "Ang liit naman ng kaltas ng PhilHealth, dalawang libong piso nga kada buwan ang kaltas sa amin, at kayo naman abot dalawang milyong piso ang hospital bill, tapos limang libong piso lang ang kaltas." Wala akong naisagot kundi tango.

Sinabi ko sa social worker na tumingin ng papel na nakakuha na ako ng Guarantee Letter noong Lunes lang. "Buti sinabi mo. Dahil kung hindi, baka ibawas sa akin iyan.", sabi ng social worker. Dahil nabigyan na ako ng GL, ang ibinigay na lang niya sa akin ay food assistance na P10K, na nakuha ko naman bago mag-alas singko ng hapon.

Dalawang komento iyon na tumimo sa akin habang pauwi na ako sa ospital sa piling ni misis. Ang una, anang doktor, na muntik na palang ikamatay ni misis ang namumuong dugo sa kanyang bituka. Natatandaan ko ngang nagkaroon pa ng doctors' conference sa viber kasama si misis noong gabi bago siya operahan kinabukasan. Kaya pala, sinasabi ng mga doktor na rare case ang kaso ni misis. Nakatatlong test na, kasama ang bone marrow biopsy subalit di pa batid ng mga doktor ang dahilan ng blood clot. Subalit nabigyan naman si misis ng blood thinner.

At ang ikalawa nga ay yaong komento ng social worker sa PhilHealth ni misis, na nang tinanong ko si misis ay sinabi niyang totoo iyon. Social worker din si misis kaya alam din niya.

Ginawan ko ng munting tugmaan ang karanasan kong iyon.

DALAWANG ANEKDOTA SA PINUNTAHAN KAHAPON

yaong pahayag ni Dok ay nakagigimbal
muntik nang ikamatay ni misis ang sakit
todo bantay ang mga doktor sa ospital
upang tiyaking sakit ay di na umulit

pati komento ng social worker sa PhilHealth
ay sadyang tumimo sa aking kaisipan
ang bill sa ospital ay dalawang milyong higit
sa PhilHealth, limang libo lang ang kabawasan

dalawang anekdota iyong narinig ko
nang kinakausap ako ng mga iyon
at makadurog-puso kung iisipin mo
na di ako makatulog nang dahil doon

buti't maagap ang mga doktor, ginawa
ang nararapat upang bumuti si misis
na ngayon ay buhay pa't nagpapagaling nga
kaya ang paggaling niya'y walang kaparis

- gregoriovbituinjr.
12.06.2024

Kasabihan sa dyip

KASABIHAN SA DYIP

mayroong kasabihang
nakita sa sasakyan 
agad kong kinodakan
paksa sa panulaan

kasabihang nahagip
na nakapaskil sa dyip
paalalang nalirip
na ngayo'y halukipkip

"nasa Diyos ang awa,
nasa tao ang gawa"
kalahating tanaga
nababasa ng madla

na nagsisilbing aral
habang natitigagal
lalo na't anong tagal
ni misis sa ospital 

pampatanggal depresyon
na aking danas ngayon
ramdam ko'y nilalamon
ang wala ng mayroon

- gregoriovbituinjr.
12.06.2024

Balik upak

BALIK UPAK

tila ba bagong pananagalog
BALIK UPAK ang sabi sa ulat
kakaiba kumbaga sa tugtog
ang salitang nais ipakalat

dalumat naman ang kahulugan
balik upak, balik sa ensayo
may laban nang pinaghahandaan
itong magaling na boksingero

dagdag sa arsenal ng makata
ang sa ulat ay mga kataga
marahil di bago kundi luma
o gayon ang salin ng salita

napupuno ang bokabularyo
sa mga salitang pinauso
na magagamit sa tula't kwento
na ngayon ay sinisimulan ko

- gregoriovbituinjr.
12.06.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 4, 2024, pahina 12

Aklatan ko sa ospital

AKLATAN KO SA OSPITAL

tila may mini-library ako
sa ospital sa dami ng libro
na pawang noon pa'y nabili ko
at ngayon lang nababasa ito

pinagkakaabalahang sukat
bukod sa kwaderno't pluma'y aklat
malaking oras ang magbulatlat
ng pahina't paksang mapagmulat

habang bantay sa silid ni misis
basa muna't buryong ay maalis
bakit kaya may pagmamalabis
at dukha sa hirap nagtitiis

ganyang sistema ba'y nalulunok?
iyan ba sa kanila'y pagsubok?
bakit nga ba ang sistema'y bulok?
dukha ba'y malalagay sa tuktok?

bakit sa mundo'y katanggap-tanggap
na may mayaman at may mahirap
pagbabasa'y gawin nating ganap
magbasa at kamtin ang pangarap

- gregoriovbituinjr.
12.06.2024