Sabado, Marso 21, 2020

Tula sa World Forestry Day

World Forestry Day ang bunying araw ng kagubatan
Oo, ang pangangalaga nito'y pananagutan
Ramdam mo ba bakit mga puno'y sinusugatan?
Lalo't kaylaki ng silbi nito ss sambayanan...
Datapwat pagkasira nito'y sama-samang damhin
Forest o gubat, ito'y pagnilayan nang masinsin
O suriin bakit ito'y dapat mahalagahin
Rinig mo ba ang tibok ng gubat sa bayan natin?
Estado nito'y nakakalbo, ano bang nangyari?
Sakim ay ginawang troso ang puno't pinagbili
Tinagpas ang puno nang magkapera ang salbahe
Rinagasa ang pagputol, di ako mapakali.
Yumayanig sa puso pag gubat na'y winawarat
Dahil karugtong ng buhay ang ating mga gubat
Ah, gubat na'y alagaan ng buong pag-iingat
Yamang ito'y yaman ng bayang protektahan dapat.
- gregbituinjr.
03.21.2020

Soneto 3 sa World Poetry Day 2020

Soneto 3 sa World Poetry Day 2020
(sa anyo ng 2-3-4-3-2)

World Poetry Day, na isang araw ng panulaan
O araw ng makata't ng tulang may katuturan
Ramdam mo ba pati tibok ng tulang bibigkasin
Lasap mo ba paanong taludtod ay bibigkisin
Dama mo bang pinapatag ang daang lalandasin
Pantighaw sa nadamang uhaw ng mananaludtod
Organisadong saknong na di sana mapilantod
Espesyal na paksa'y sa alapaap natalisod
Talinghaga't taludturang tunay sa paglilingkod
Rinig mo ba ang bawat hibik ng obrero't dukha
Yamang wala silang yamang di nila napapala
Dusang nararanasan ay paano mawawala
Asahang sa World Poetry Day, tayo'y magtulaan
Yapos ang prinsipyong pagkakapantay sa lipunan
- gregbituinjr.
03.21.2020

Soneto 2 sa World Poetry Day 2020

Soneto 2 sa World Poetry Day 2020

Walang tula kung walang mga makatang kumatha
Opo, pagnilayan mo ang kanilang talinghaga
Rindi man ay madarama sa kanilang kataga
Lalo't ginagabayan ng mga wastong salita
Dahil tula ang buhay nilang pawang palaisip
Prinsipyo't pilosopiya'y karaniwang kalakip
Organisado, may tugma't sukat na halukipkip
Edukado, di man nag-aral, katha'y nililirip
Taludtod at saknong ay hinahabi ng mataman
Rebolusyon man ay kakathain para sa bayan
Yayariin ang tulang may lambing o kabangisan
Dahil ito'y ambag ng makata sa santinakpan
Anumang mangyari, tula nila'y di pagkakait
Yumanig man sa daigdig, kakatha silang pilit.
- gregbituinjr.
03.21.2020

Soneto 1 sa World Poetry Day 2020

World Poetry Day, na isang araw ng panulaan
O araw din ng mga makata't talinghagaan
Rahuyo ang indayog, tugma't sukat, kainaman
Luluhod ang mga bituing pinagpitaganan
Dahil ang tula'y hiyaw at bulong ng sambayanan.

Pag-ibig ang kinatha't tila ba may pangitain
O, pagsintang tunay na makapangyarihan pa rin
Espesyal na araw na di galing sa toreng garing
Talinghagang mula sa pawis ng masang magiting
Ramdam ang bawat danas at salitang dapat dinggin
Yumayanig sa kaibuturan ng diwang angkin.

Didiligin ng salita pati tibok ng puso
At nadarama'y bibigkasin nang di masiphayo
Yapos ang mga taludturang sa putik hinango.

- gregbituinjr.
03.21.2020