Martes, Hulyo 14, 2009

Titigan Mo Ang Masa't Ang Trapo

TITIGAN MO ANG MASA’T ANG TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

1
Puntahan nating sandali ang masa
Pakatitigan mo ang buhay nila
Tila ang masa'y nakakangiti pa
Ngunit ang loob nila'y galit pala
2
Titigan mo ang mga manggagawa
Mababakas mo ang sipag at tyaga
Gawa nila'y ekonomya ng bansa
Ngunit sila pa ang kinakawawa
3
Titigan mo ang maralitang lungsod
Sa mukha nila'y bakas na ang pagod
Sa buhay nila ikaw'y malulunod
Pagkat sa hirap di ka malulugod
4
Titigan mo rin ang kababaihan
Di ba't ina ang kanilang larawan
Ngunit bakit inapi ng lipunan
Laging tinitingnan ay kaseksihan
5
Titigan mo ang mga aktibista
Na taas-kamaong nakikibaka
Upang mabago bulok na sistema
Marami nang pinaslang sa kanila
6
Titigan mo ang mga estudyante
Sa kanila'y di ka ba nabibingi
Edukasyon ay ipinagbibili
Habang nakararami'y walang paki
7
Titigan ang pesante't mangingisda
Titigan mo rin ang pulubing dukha
Ikaw ba sa kanila'y nahihiya
Magaling ka ngunit walang magawa
8
Halina't tayo naman ay sumaglit
Sa nagdulot ng buhay na mapait
Titigan mo ang gobyernong kaylupit
At tiyak tutubuan ka ng galit
9
Titigan mo ang mukha ng pangulo
O kaya'y mukha ng sinumang trapo
Paniwala mo ba'y sila'y seryoso
Na naglilingkod nga sa mga tao
10
Titigan mo pati presidensyabol
Matino ba sila o mga ulol
Sa telebisyon ay panay ang tahol
Lingkod-bayan daw sila't hindi pulpol
11
Titigan mo sa mata ang nag-Con Ass
Tila ba nabuhay itong si Hudas
Kongreso ba'y pugad ng balasubas
Kung di'y bakit kayrami doong ungas
12
Titigan mo ang mga pulitiko
Titingnan ka ba nila ng diretso
O iiwasan nila ang mata mo
Pagkat alam na may sala sa tao
13
Makipagtitigan ka sa kanila
Titigan hanggang lumuwa ang mata
Sinong malulusaw: ikaw o sila
Baka silang ang mukha'y kaykapal na
14
Mga mata ko rin ay titigan mo
Sasama ka ba sa mga tulad ko
At handang yakapin ang aktibismo
Upang baguhin ang lipunang ito
15
Bakit may pinagsasamantalahan
At bakit may mahirap at mayaman
Bakit paggawa'y pinagtutubuan
Ngunit gumagawa'y api-apihan
16
Nasa iyong kamay ang kasagutan
Kung kikilos ka laban sa gahaman
Halina't pag-aralan ang lipunan
At huwag nang tumunganga pa riyan

Bahay Ko, Mahal Ko

BAHAY KO, MAHAL KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig


Masdan mo, kayrami ng walang tahanan
Natutulog lamang sa mga lansangan
Kasama'y pamilya, karton ang higaan
At nilalamig pa't wala ring bubungan.

Iba'y nakatira doon sa kariton
Sa hirap ng buhay ay walang malamon
Minsa'y naglalakad sa buong maghapon
Hanap ay pagkain, parito't paroon.

Sadyang lipunan ba'y hindi makatao?
Bakit walang bahay ang marami dito?
Sila ba'y biktima ng hirap sa mundo?
Wala bang magawa pati na gobyerno?

Di ba't lahat tayo'y dapat may tahanan?
Pagkat ito'y ganap nating karapatan
Bahay ang tahanan at di ang lansangan
Ito'y karapatang dapat ipaglaban.

Kami'y barung-barong ang tahahan ngayon
Buti'y may tirahan, kahit hindi mansyon
Kung mayroon silang tangkang demolisyon
Aming lalabanan kung magkakagayon.

Paano na tayo kung walang tahanan
Ang ating pamilya'y saan mananahan
Saan na ang pugad ng pagmamahalan
Parang hinila na tayo sa libingan.

Ang tahanan natin ay pakamahalin
Huwag itong basta babalewalain
Nang sa bandang huli, di tayo sisihin
Ng ating pamilyang minamahal natin.

Ang dukha'y di dapat upos na kandila
Na sa kalagayan ay walang magawa
Dapat may tahanan yaong mga wala
Dapat may trabaho yaong maralita.

Tulungan din natin ang idedemolis
Tinataboy silang parang mga ipis
Pag nangyari ito'y maraming tatangis
Mga ina't anak ay maghihinagpis.

Dapat magkaroon ng isang proyekto
Sa maraming dukha dito sa bayan ko
Ang mungkahi namin, "Bahay ko, mahal ko"
At ipaglalaban ang bahay ng tao.

Mga kababayan, tayo'y magkaisa
Dapat ito ngayong maumpisahan na
Karapatan natin at ng bawat isa
Na tayo'y may bahay para sa pamilya.

"Bahay ko, mahal ko" ay gawing proyekto
At palaganapin ang konseptong ito
Ito'y handog natin sa bayan at mundo
Tungo sa lipunang sadyang makatao.