Miyerkules, Pebrero 24, 2021

Isipin mo ang iyong distanya

ISIPIN MO ANG IYONG DISTANSYA

"Mind your distance." Bilin sa naglalakad sa Tutuban
isipin ang distansya sa bawat nilalakaran
kung gaano kalapit o kalayo sa sinuman
pagbabakasakaling di kayo magkahawaan

sabi ng isang patalastas: Bawal magkasakit
dapat may isang metrong agwat ang layo o lapit
kahit kasama'y sinta, layo-layo kayo saglit
mahirap namang para kayong kolang nakapagkit

bakit pinagsusuot ng face mask at face shield kayo
bakit dapat may agwat, mag-social distancing tayo
"Mind your distance," matalino ka, unawa mo ito
di man saktong isang metro, ito'y pag-isipan mo

parang ketong noong unang panahon ang pandemya
dapat lumayo sa katabi baka mahawa ka
pag nasa labas ka, tantyahin ang iyong distansya
huwag balewalain nang makaiwas sa dusa

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Huwag mahihiyang magtanong

Huwag mahihiyang magtanong

ayon nga sa RiteMed, "Huwag mahihiyang magtanong"
kahit sa pandemya, ito'y kanilang sinusulong
payo ring mag-social distancing saanman sumuong
kung katabi'y di ito alam, atin nang ibulong

"social distancing saves lives", payo sa atin ng RiteMed
simpleng bilin upang buhay nati'y di tumagilid
at kung nauunawa mo, sa kapwa'y ipabatid
upang di bara-bara, baka sa kanila'y lingid

di na lamang sa karatulang kapantay ng mata
ang tagubiling ito upang mabasa ng masa
ipininta sa sahig, kakaibang karatula
tila isang biyaya ang kanilang paalala

kung di mo alam kung bakit nagso-social distancing
huwag mahiyang magtanong, ikaw ay sasagutin

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Para lahat, ligtas

PARA LAHAT, LIGTAS

nakapinta sa daang baka iyo ring nilandas
ang bilin kung sa trabaho'y papasok o lalabas
kung sa palengke patungo upang bilhin ay prutas
o kung pupunta sa botika para sa panlunas

payo upang mapalayo ang anak sa disgrasya
at tirintas ng pag-ibig para sa sinisinta
payo upang di magkahawaan sa opisina
pagbabakasakali upang malayo sa dusa

layong isang metro lagi para lahat ay ligtas
simpleng bilin sa bayan pagkat buhay ang katumbas
unawain natin ng ganap at maging parehas
upang di magkasakit, may problemang malulutas

naliligalig tayo't may pandemyang sinusumpong
iligtas ang kapwa't iba ang ating sinusuong

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.