Linggo, Nobyembre 10, 2013

Pananampal ng tampalasan

PANANAMPAL NG TAMPALASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tampalasan ba ang tawag sa mahilig manampal?
o ang marapat itawag sa kanya'y isang hangal?
ang pagkatao ba niya'y sing-itim ng imburnal?
kaya pananampal ng kapwa'y taal niyang asal?

ngunit bakit ba nanampal ang tampalasang yaon?
sa kapwa'y walang galang, ang nakakamukha'y lukton
ang hilig ay magsaya, maglasing, magtalun-talon
mahilig sa talikuran pagkat bayag ay urong

tila nahiligang manghiram ng tapang sa alak
na pag matino'y di magawa ang masamang balak
sadyang sinisimot pati na ang natirang latak
binabalisawsaw pala minsan ang kanyang utak

magbago na siya, ano pang kanyang hinihintay?
ang lumpuhin siya ng kanyang mga nakaaway?
ang pagkatampalasan niya'y wawakasang tunay
dahil ugali iyong sa pagkatao'y sadyang sablay

Ngalan niya'y Tampalasan

NGALAN NIYA'Y TAMPALASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ngalan niya'y Tampalasan, tampal kasi ng tampal
mabigat ang kamay, kapara niya'y isang hangal
manghihiram ng tapang sa alak, kaygandang asal
mananampal ng kung sino, kahit nasa pedestal
ang katulad niya'y isang leyon pag umatungal
dapat sa kanya'y lagyan ng taumbayan ng busal
itali't ikulong kasama ng baboy sa kural
ngalan niyang Tampalasan ay bumagay sa hangal

Nang manapok ang lango

NANG MANAPOK ANG LANGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang pananapak at pananapok
ay ugali ng sira ang tuktok
kayhilig manakit nitong hayok
ang gawi niya'y di ko maarok

ang katwiran niya, siya'y lango
nang siya'y nagpasirit ng dugo
ng kaibigang kanyang dinuro
dahil lang di nabilhan ng taho

usapin ay kayliit na bagay
bakit agad nagbuhat ng kamay
pang-unawa niya'y bakit sablay?
isip ba niya'y bulok ngang tunay?

ah, kawawang alak, sinisisi
sa kasalanang gawa ng imbi
alak na naroon lang sa bote
ang may gawa imbes na sarili

matindi nga ba ang espiritu
ng ininom na Marka Demonyo
o may topak sadya yaong gago
gawa'y sapok doon, dagok dito

magkakaroon din ng katapat
ang gagong iyang laging pasikat
dugo niya sa lupa'y kakalat
mabait ang sa kanya'y babanat