Biyernes, Abril 10, 2009

Isang Bala Lang Ako

ISANG BALA LANG AKO
ni Matang Apoy
13 pantig

Nagbanta na sa akin ang isang kaaway
Isang bala lang ako, anyang malumanay
Tila ang tinig niya'y nagmula sa hukay
Anya sa mundo'y dapat na akong mawalay.

Tinuran niya'y isa nang matinding banta
Tulad kong aktibista'y dapat daw mawala
Tiyak na may pamilya na namang luluha
Tiyak na may gobyernong tatalon sa tuwa.

Kaya tinanggap ko ang hamon niya't banta
Ito'ng agad kong sinabi sa kanyang mukha
Ang mga kapara niya'y hunyango't linta
May mga ulo'y wala namang lamang diwa.

Nandito lang ako't naaabot ng bala
Ngunit may dalawa akong hiling sa kanya
Patamaan ako'y gitna ng mga mata
At huwag siya sa aking magpapauna.

Swerte niya pag nadale akong totoo
Patunay iyon, isang bala nga lang ako
Ngunit pag nauna ako'y ibabaon ko
Yaong tingga niya sa kanya mismong ulo.

Ibagsak ang mga Gahaman

IBAGSAK ANG MGA GAHAMAN
ni Matang Apoy
8 pantig

Ibagsak nating tuluyan
Kapitalistang gahaman
Sa salapi at puhunan
Kanila ang pakinabang
Sa obrero'y laging kulang.

Sa mga kapitalista
Pawang tubo itong una
Walang pakialam sila
Sa mga obrero nila
Kahit na ito'y magdusa.

Kapitalistang maluho
Sadyang ugali'y mabaho
Lagi na lang nanduduro
Dahil swapang nga sa tubo
Obrero'y pinagkanulo.

Mga ganid ay ibagsak
Na sa tubo'y tambak-tambak
At pagapangin sa lusak
Pagkat tayo'y hinahamak
Sa bangin pa'y tinutulak.