Martes, Mayo 18, 2021

Ang suot ni Miss Singapore sa Miss Universe 2020


ANG SUOT NI MISS SINGAPORE SA MISS UNIVERSE 2020

tunay na makapukaw-pansin ang suot na iyon
ni Miss Singapore, panawagan at kanilang tugon

dahil maraming binubugbog na mga Asyano
sa Amerika na ang dalang ideya'y rasismo

"Stop Asian Hate" ang nakasulat sa kanyang kapa
na makabuluhang islogan tungo sa hustisya

nagpapalaganap ng rasismo'y dapat malupig
mga nananakit ng Asyano'y dapat mausig

"Stop Asian Hate", islogang sadyang makatarungan 
upang itigil ang nagaganap na karahasan

ah, wakasan na ang anumang namumuong galit
dahil diyan sa rasismo na ideyang kaylupit

naalala ko nga ang Kartilya ng Katipunan
at Liwanag at Dilim ni Jacinto sa islogan

tao'y pantay-pantay anuman ang kulay ng balat
kay Jacinto: Iisa ang pagkatao ng lahat

salamat, Miss Singapore, at minulat mo ang mundo
laban sa dahas at rasismo sa mga Asyano

magpakatao't makipagkapwa ang bawat isa
at pag-ibig dapat ang mangibabaw na ideya

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google

Si Miss Peru hinggil sa climate change

SI MISS PERU HINGGIL SA CLIMATE CHANGE

mabuhay ka, Miss Peru, sa iyong magandang tugon
doon sa Miss Universe, sa question and answer portion
hinggil sa climate change, tayo'y kolektibong umaksyon
magtulungan tayo't sagipin ang planeta ngayon

tunay kang inspirasyon para sa kinabukasan
ng mga sunod na henerasyon ng kabataan
dapat din nating pag-isipan ang kanyang tinuran
lalo na't tayo'y may kolektibong pananagutan

upang sama-samang kumilos at magkapitbisig
nang masagip ang nag-iisang tahanang daigdig
mga sumisira ng kalikasan ay mausig
at maparinig ang nagkakaisa nating tinig 

huwag hayaang dahil sa climate change ay malusaw
ng unti-unti ang mundong ayaw nating magunaw
kay Miss Peru, kami'y nakikiisa sa pananaw
magtulong upang magandang daigdig ay matanaw

- gregoriovbituinjr.

- litrato at sinabi ni Miss Peru ay mula sa google

Panawagan ng Miss Universe ng buhay ko

PANAWAGAN NG MISS UNIVERSE NG BUHAY KO

ang tshirt na pasalubong ko'y sinuot ni misis
na ang tatak: No Climate Justice Without Gender Justice

na ibinigay noong Araw ng Kababaihan
nang maraming babae ang nagtungo sa lansangan

tila baga panawagan ng mga kandidata
sa Miss Universe, makabagbag-damdamin talaga

mayroong "Stop Asian Hate", may "Pray for Myanmar" doon
may "No more hate, violence, rejection, discrimination"

sa mga Miss Universe na talagang may prinsipyo
pagpupugay! pati sa Miss Universe ng buhay ko

ang prinsipyado ninyong panawagang dala-dala
sa maraming bansa sa mundo'y mapakinggan sana

upang mga mararahas ay tunay na malupig
nang daigdig ay mapuno ng hustisya't pag-ibig

- gregoriovbituinjr.

Mga panawagan sa Miss Universe 2020



MGA PANAWAGAN SA MISS UNIVERSE 2020

sa Miss Universe na paligsahan ng kagandahan
may makatawag pansin sa kanilang kasuotan
ginamit nilang plataporma ng paninindigan
ang suot nilang may panawagang makabuluhan
na dapat buong mundo'y basahin ito't pakinggan

"Stop Asian Hate" kay Miss Singapore Bernadette Belle Ong
may plakard: "Pray for Myanmar" suot ang national custom
at "No more hate, violence, rejection, discrimination"
kay Miss Uruguay na animo'y pakpak niyang telon
makatuturang pahayag sa buong mundo'y layon

mabuhay ang mga Miss Universe na may prinsipyo
palaban, sadyang nagpupugay kaming taas-noo
sa panawagan nilang pangkarapatang pantao
islogang repleksyon ng bansa nila't pagkatao
na umaaalingawngaw na sa buong uniberso

nawa panawagan n'yo sa buong mundo'y marinig
para sa karapatang pantao'y magkapitbisig
upang mga mandarahas ay talagang mausig
upang panlipunang hustisya'y talagang manaig
nang ating mundo'y mapuno ng hustisya't pag-ibig

- gregoriovbituinjr.

* mga litrato mula sa google