BISYO KO ANG PAGTULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
sabi nila, wala akong bisyo
di raw ako naninigarilyo
o lalagok ng alak sa baso
at di rin sumusundot ng bato
sa buhay, ano raw ginagawa
wala nang bisyo'y nakatunganga
bakit ba laging natutulala
gayong walang bisyo ang makata
ano ba ang bisyo? ang tanong ko
bisyo'y ang laging ginagawa mo
na maligaya kang gawin ito
sa pang-araw-araw na buhay mo
kung gayon, ang bisyo ko'y pagtula
sapagkat masaya ang pagkatha
iba't ibang diwa'y nalilikha
masayang maglubid ng salita
kung kasiyahan ang pagbibisyo
masaya ang naninigarilyo
pati na iyang mga lasenggo
lalo ang gumagamit ng bato
bisyong pangwasak niyang katawan
bisyong panandaling kasiyahan
na sa problema'y di kasagutan
kundi pansamantalang pag-alwan
ng sitwasyong minsan di malirip
kundi suliraning halukipkip
mabuti pa ang bisyong gahanip
pagtulang pampalusog ng isip