Lunes, Mayo 1, 2023

Tatlong kuting sa kahon

TATLONG KUTING SA KAHON

nasa isang talampakan ang kahon
tatlong kuting ang nasa loob niyon
misyon nila'y ang makaalis doon
aba'y saglit lang, sila'y nakaahon

halos tatlong linggo pa lamang sila
wala pang sambuwan ngunit kaysigla
sa kahon nga'y agad na nakasampa
survival of the fittest, ikako na

tila ba ito'y isang pagsasanay
kaya bidyuhan sila'y aking pakay
upang masulat ang kanilang buhay
habang kuting pa't pag lumaking tunay

bata pa'y pinakita na ang galing
ng mga magkakapatid na kuting
sana paglaki'y masubaybayan din
at nang sila'y maitula ko pa rin

- gregoriovbituinjr.
05.01.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/kfu3LwYEBn/

Tulang alay sa Mayo Uno 2023

TULANG ALAY SA MAYO UNO 2023

ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa
ang kaarawan ng manggagawang dakila
mula sa kanilang kamay na mapagpala
ay umunlad ang daigdig, bayan at bansa

ako'y dati ring manggagawa sa pabrika
ng floppy disk ng computer, mga piyesa
tatlong taong machine operator ng AIDA
press machine, na una kong trabaho talaga

doon ko naunawa ano ang kapital
bakit mababa ang sahod ng nagpapagal
mabuti mang may sweldo, di ako nagtagal
sapagkat nag-resign upang muling mag-aral

hanggang ngayon, dala ko bawat karanasan
doon sa apat na sulok ng pagawaan
hanggang pinag-aralan na itong lipunan
hanggang maging aktibista ng uri't bayan

Manggagawa! Taas-kamaong pagpupugay!
sa pag-unlad ng bansa'y kayo ang nagpanday!
mula Malakanyang, simbahan, hanggang hukay!
buong daigdig ay inukit ninyong tunay!

- gregoriovbituinjr.
05.01.2023