Huwebes, Abril 2, 2015

Mas maigi ang dangal kaysa yaman

MAS MAIGI ANG DANGAL KAYSA YAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mas maigi ang dangal kaysa yaman
mabuting ito'y di nayuyurakan
mabuting may malinis na pangalan
kaysa ito'y tuluyang marungisan

mas maiging mabuhay akong dukha
ngunit marangal at di hampaslupa
prinsipyado at nakikipagkapwa
dangal ay yamang tatanganang kusa

kami'y lalaging marangal, pangako
ngunit dangal itong di isusuko
ilalaban dumanak man ang dugo
magtatanggol mabasag man ang bungo

di karangalan ang gawang baluktot
at walang dangal ang mga kurakot
mahirap kung sa ginto'y mapag-imbot
pagkat mayaman nga ngunit may buntot

mas maigi ang dangal kaysa yaman
naroon ang tunay na kasiyahan
marangal kang malinis ang pangalan
kaya taas-noo ka kaninuman

Kaming mga mandirigma

KAMING MGA MANDIRIGMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

oo, ganito kaming mga mandirigma
ng kilusang may adhikang mapagpalaya
di matitibag ng anumang pagbabanta
di isusuko ang niyakap na adhika
sa bawat nakakatunggali'y laging handa

may prinsipyo kaming tinatanganang tunay
dito umiikot ang aming iwing buhay
kaya sa bawat hakbang, aming inaalay
ang panahon, pagsisikap, talinong taglay
upang maging ganap ang asam na tagumpay

nakahandang mamatay para sa prinsipyo
may patakarang tulad sa Hapong Bushido
pati sa Yuropyano'y pagkakabalyero
gabay din ang kartilya nina Bonifacio
taglay ang aral, dangal, pagpapakatao

di kami tatanggi sa anumang pagsubok
di kami susuko sa pag-abot sa tuktok
di kami aatras gaano man kabulok
ang sistemang sa bawat tao'y naglulugmok
mandirigma kaming lalaban hanggang rurok

mandirigmang marubdob sa anumang laban
maginoo'y dumudurog ng lapastangan
mabait ngunit lumalaban ng sabayan
asahan ang aming taos na katapatan
sa adhika para sa kapwa't daigdigan