Miyerkules, Pebrero 26, 2014

Suliranin ba'y paano haharapin?

SULIRANIN BA'Y PAANO HAHARAPIN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit ako magpapatali sa mga problema
aba'y bahala iyang problema sa buhay niya!
basta ako'y magsusulat at magpopropaganda
sa kisame'y nakatunganga't nag-aanalisa

mga problema'y di ko talaga nais isipin
at wala rin akong balak na problema'y dibdibin
wala iyan, problema'y dapat lang balewalain
maging positibo't solusyon ang ating hanapin

tambakan mo ako ng problema't ako na'y lalayo
lalo na't kaugnay iyan ng relasyon at puso
ngunit kung para iyang sudoku, ako'y kikibo
sasagutin tulad ng aldyebrang walang pagsuko

mas maigi pa ang suliraning matematikal
kaysa sa mga problemang, ay naku, emosyonal
pag problema'y pandamdamin, ako'y natitigagal
puso ko'y nadudurog, tila di ako tatagal

sapat ang intelligence quotient, dapat bang matuwa
ngunit ang emotional quotient naman ay kaybaba
paano ko lalabanan ang sanlaksang kuhila
na ang dinulot sa bayan ay pagkapariwara

problema'y huwag dibdibin, suriin natin iyon
isipin natin kung anong mahusay na solusyon
tulad sa ahedres, hanapin ang tamang posisyon
pag nasolusyunan na, halawan ng aral iyon

Pambabarat sa Kababaihang Manggagawa

PAMBABARAT SA KABABAIHANG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"The capitalists speculate on the two following factors: the female worker must be paid as poorly as possible and the competition of female labour must be employed to lower the wages of male workers as much as possible." ~ Clara Zetkin

para sa kapitalista'y ito ang tamang gawin:
manggagawang kababaihan ay dapat baratin
nang sahod ng obrerong lalake'y mapababa rin
singlinaw ng tubig ang katusuhan nilang angkin

dahil gastos ang paggawa, tubo'y nabawasan na
dapat nang mambarat ang switik na kapitalista
tila sa bawat pag-akyat ay pababa ang hila
sa obrerong dapat sa pag-unlad nila’y kasama

di patas sa manggagawa ang sistemang kapital
tila mga bibig nila’y pinasakan ng busal
sa paggawa, kanilang buto'y tila napipigtal
di pa ba nauunawa bakit dapat umangal?

tubo ang pangunahin, di karapatan ng tao
pagkat iyan ang kalikasan ng kapitalismo
sa namuhunan, barya lang ang sahod ng obrero
barya na nga lang ngunit binabawasan pa ito

aralin ang lipunan, isyu't nangyayari ngayon
pagsasamantala ba'y bakit laganap na noon?
obrero ba'y mababago ang ganitong sitwasyon?
o kinakailangan na ng isang rebolusyon?