Huwebes, Abril 22, 2021

Isa pang tula sa Earth Day 2021

ISA PANG TULA SA EARTH DAY 2021

"I am an ecobricker and a yosibricker," oo
iyan nga ang napili kong itatak sa tshirt ko
upang sabihing halina't gumawa tayo nito
nang kalikasan ay mapangalagaang totoo

kasama ko si misis sa paggawa ng ecobrick
kung saan aming ginugupit ang naipong plastik
sa boteng plastik nga'y talaga namang sinisiksik
upang sa kalaunan ay patigasing parang brick

saka nagawang ecobrick ay pagdidikitin pa
upang gawing istruktura tulad ng munting silya
at pagpatung-patungin ito nang maging lamesa
dapat talagang matigas nang makatayo sila

ginagawa ko rin ang yosibrik mula sa upos
bilang kampanyang basura itong dapat maubos
mga hibla nito'y anong produktong matatapos
oo, gawing produkto upang kumita ang kapos

at kung may pagkakataon ka'y iyong unawain
ang aming ginagawang ito't pag-aralan mo rin
nang ecobrick at yosibrick ay ating paramihin
mabawasan ang mga basura ang misyon natin

- gregoriovbituinjr.

Huwag hayaang "manatiling naka-sign in"

HUWAG HAYAANG "MANATILING NAKA-SIGN IN"

isang booby trap iyang "manatiling naka-sign in"
isa iyang patibong, isang bitag, isang pain
bakit nanaisin mong "manatiling naka-sign in"
dahil ba sa password, ikaw ay makalilimutin
natanong ba, paano pag naiwang "naka-log in"

patay kang bata ka, may makakagamit nang iba
baka palitan pa ang password mo't magamit nila
"manatiling naka-sign in", di ka ba nagtataka
bakit "manatiling naka-sign-in" ang paanyaya
di lang virus ang sumisira sa kompyuter, di ba?

yaong nais "manatiling naka-sign in" ay tamad
nais lagi'y madali, burara sa seguridad
huwag hayaang ituring kang walang kapasidad
gayong nakapag-aral ka't sa kompyuter nga'y babad
subalit hinahayaang wasakin ang dignidad

kaya huwag hayaang "manatiling naka-sign in"
huwag tsekan baka pag-log out ay malimutan din
sa bahay man o sa computer shop, ito ang gawin
kundi'y baka paglaruan ka ng utak-salarin
at mismong sarili mo na ang kanyang baligtarin

- gregoriovbituinjr.

Tulang akrostik para kay A.P.Non

TULANG AKROSTIK PARA KAY A.P.NON

Ang kasalukuyang inspirasyon
Ng bayan: si Ana Patricia Non
Ang community pantry'y nilayon
Para walang masang nagugutom
Ang kanyang pantry'y alay ng loob
Tumutulong siyang kusang loob
Rinig niyang sa puso'y marubdob
Itong bayang sa gutom nalublob
Commitment sa pakikipagkapwa
Itong ginawa niyang talaga
At naging inspirasyon sa masa
Na pantry'y ginawa din ng iba
Oh, bagong inspirasyon ng bayan
Na laking tulong sa sambayanan

- gregoriovbituinjr.
Earth Day 04.22.2021

* litrato mula sa google

Ngayong Earth Day 2021

NGAYONG EARTH DAY 2021

Earth Day ay nagpapaalala
ng tahanan nating daigdig
ito'y alagaang tuwina
punuin natin ng pag-ibig

walang coal plants na sumisira
sa atmospera nitong mundo
walang polusyong lumulubha
at sa baga'y umaapekto

nagkalat na ang mga plastik
dagat ay puno na ng upos
mag-ekobrik at magyosibrik
bakasakaling makaraos

bawal na basura'y masunog
baka hininga'y di tumagal
kalikasan na'y nabubugbog
anong nakita nating aral?

alagaan ang kalikasan
at tanging tahanang daigdig
mga sumisira'y labanan
at dapat lang namang mausig

- gregoriovbituinjr.
04.22.21