ANG HULING TAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
paano kung ikaw na lang ang huling tao
di dahil sa bomba nukleyar kundi unos
na higit pa kay Yolanda ang dumelubyo
at sa buhay ng maraming tao'y tumapos
minasdan mo ang mundo, iiling-iling ka
at sinabi mo, "Bakit di ako nakinig?"
sa makapangyarihang bansa'y pangulo ka,
sa United Nations, sila'y nagkapitbisig,
nagkaisa silang bawasan ang emisyon
ng karbon nang di lumala ang kalagayan
bawat bansa'y magsagawa ng mitigasyon
at adaptasyon yaong napagkasunduan
baka mapigil pa ang tuluyang pag-init
ng mundo ng ilang degri, at pagkatunaw
ng malalaking tipak ng yelo, subalit
pangulo kang di nakinig, hanggang malusaw
na ang mga yelo't tumaas na ang lebel
ng dagat, maraming isla ang nagsilubog
dumating ang unos, nagdulot ng hilahil
kayraming namatay, lugar ay nangadurog
ngayon, ikaw na lang ang nalalabing tao
iniisip mo, saan ka na patutungo
habang naglulutangan ang maraming labi
ng mga nangalunod, di na nakaligtas
noon, itinanggi mong climate change ang sanhi
wala kang ginawa upang ito'y malutas
di mo namalayang ikaw na'y humihikbi
hintay mo na lang ang sariling pagkaagnas
- kinatha sa St. Bartholomew of the Apostle Parish, Baao, Camarines Sur, Oktubre 20, 2014
* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda