Huwebes, Pebrero 16, 2023

Sa Tignoan

SA TIGNOAN

basketball court muli ang aming tinuluyan
malamig na semento'y muling tinulugan
bagamat may banig din naman sa pagitan
ngunit lamig ay tagos sa buto't kalamnan

kanina, dinaanan ang Departamento
ng Kalikasan ngunit tila walang tao
silang nakausap hinggil sana sa isyu
kaya napaaga sa destinasyong ito

tanong sa sarili'y ilang basketball court pa
sa siyam na araw ang tutulugan pa ba?
ngunit ito ang natanggap sa dami nila
ito ang binigay, sakripisyo talaga

tila kami mga mandirigmang Spartan
lalo't bilang namin ay nasa tatlong daan
siyam na lang para sa two hundred ninety one
na ektaryang masisira sa kabundukan

kung matutuloy ang dambuhalang proyekto
Sierra Madre'y lulubog sa dam na plano
lupang ninuno't katutubo'y apektado
sa kakulangan ng tubig, sagot ba'y ito?

o proyekto bang ito para sa ilan lang?
na pawang elitista ang makikinabang?
habang niluluray naman ang kalikasan
ah, isyung ito'y akin nang nakatulugan

- gregoriovbituinjr.
02.16.2023
* dapithapon kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, kasama siya sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam

15 Km. sa umaga

15 KM. SA UMAGA

umaga pa'y nakalabinlimang kilometro na
alas-sais pa lang, naglakad na kami, kay-aga
madaling araw nang umulan, kami'y nagising na
kaya nang magbukangliwayway ay agad lumarga

ilang beses kaming inulan sa dinaraanan
kaya basang-basa kami pati kagamitan
mabibilis ang lakad, matutulin bawat hakbang
narating ang basketball court ng Barangay Tignoan

may ilaw man ngunit walang saksakan ng kuryente
di maka-charge ng selpon, gayunman, ayos lang kami
di lang makapagpadala kay misis ng mensahe
at sabihing kami't nasa kalagayang mabuti

maagang nagpahinga, maaga kaming dumating
alas-dose pa lang, banig ay inilatag na rin
habang nadarama ang kaytinding hampas ng hangin
anong ginaw ng dapithapon, maging takipsilim

- gregoriovbituinjr.
02.16.2023
- kinatha manapos makapanghalian sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, nilakad ay mula Km 129 hanggang Km114

Balikwas

BALIKWAS

alas-dos ng madaling araw ay napabalikwas
sa basketball court, ulan ay bumagsak ng malakas
at agad kaming nagsibangon upang makaiwas
sa ulan at karamdamang maaaring lumabas

mahirap magkasakit, mahaba pa ang lakarin
lalo't may tangan kaming adhikain at layunin
kaunting idlip lang, alas-tres na'y naligo na rin
di na nakatulog, naging abala sa sulatin

nang tumingala'y tila maulap ang kalangitan
gayong may sumilip na bituing nagkikislapan
na tila nagsasabing di matutuloy ang ulan
na magandang senyales sa mahaba pang lakaran

sana nga sa landasin, ulan ay di sumalubong
gayunman, kahit umulan ay di kami uurong

- gregoriovbituinjr.
02.16.2023
* kinatha madaling araw ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon