STORM SURGE AT TSUNAMI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"storm surge" sa balita'y di agad naunawaan
na ito pala'y ala-tsunaming kahihinatnan
basta sa "storm" ang mga tao'y sanay na riyan
ngunit nang "surge" ay dinagdag, ibang klase na iyan
"storm surge" at tsunami'y pawang parehong daluyong
malalaking alon, mga bayan ang nilululon
"storm surge" ay lintik ang hangin, unos na sumumpong
tsunami'y mula sa lindol o bulkang dumagundong
ang Yolanda'y "storm surge", dapat na napaghandaan
kung ito lamang ay naipaunawang mataman
Ingles na salitang di naman salita ng bayan
kaya nagbabalita'y meron ding pananagutan
mga ulat nila'y di ipinaunawang mabuti
na epekto ng "storm surge" ay tulad ng tsunami
disin dana'y umalis agad ang tao sa Leyte,
Samar, at sa mga lalawigan nitong katabi
sana'y nagawan ng paraan ang problemang banta
sana'y nakalikas din sa matataas ang madla
sana taumbayan ay agad na nakapaghanda
sana'y maraming buhay ang nasagip, di nawala
mamamahayag sana'y nagpaliwanag ng husto
bago pa dumating ang kinatakutang delubyo
"storm surge" ay di rin pala alam ng mga ito
kaya di nalahad ang matindi nitong epekto
ganito rin ang mga syentipiko ng PAGASA
"storm surge" ay di na naipaliwanag sa masa
sa mga namatay, may pananagutan din sila
kundi mananagot, bahala na yaong konsensya
sa mga susunod na kalamida na ganito
na alam nilang sa bansa'y malaki ang epekto
ipaliwanag nilang maigi sa mga tao
at upang makapaghanda naman sila ng wasto