Lunes, Oktubre 27, 2014

Sa pagkikita ng mga magniniyog at Climate Walkers

SA PAGKIKITA NG MGA MAGNINIYOG AT CLIMATE WALKERS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa pitumpu't isang magniniyog nanagmamartsa
kaming nasa Climate Walk sa inyo'y nakikiisa

nawa ating paglalakad ay tuluyang magbunga
at makamit natin ang inaasam na hustisya

sa bawat hakbang, sa bawat laban ay may pag-asa
huwag tumigil, magpatuloy sa pakikibaka

mahigpit na pagkakaisa'y sadyang mahalaga
para sa pagbabago sa bansa, mundo, sistema

- Oktubre 27, 2014, Kulod Farm, Allen, Northern Samar.

* Pitumpu't isang magsasaka ang naglalakad ng 71 araw mula Davao hanggang sa Malakanyang sa Maynila upang mapasakanila na ang P71B ng coco levy fund na naipanalo nila sa Korte Suprema. Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Sa mga kasapi ng Bugko Women's Association (BWA)

SA MGA KASAPI NG BUGKO WOMEN'S ASSOCIATION (BWA)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

maraming salamat, kayo'y nakadaupang-palad
sa ilang araw, tayo'y sabay-sabay na lalakad
tayong sa bukangliwayway magkasamang uusad
pagkat nagkakaisa para sa hustisyang hangad

ang adhika ninyong dynamite fishing ay matigil
pati ang troller na sa yamangdagat ay hilahil
ay dinig namin, isisiwalat, di mapipigil
lalaban para sa katarungan, di pasusupil

isa, dalawa, tatlo, lakas ng kababaihan
apat, lima, anim, sabay-sabay tayong humakbang
pito, walo, siyam, lakad tayo hanggang Tacloban
at sama-samang hustisyang pangklima'y ipaglaban!

- Oktubre 28, 2014, sa Balicuatro College of Arts and Trades Multipurpose Gymnasium, Allen, Northern Samar. Ang mga kasapi ng BWA ay mula sa Brgy. Bugko, Mondragon, Eastern Samar

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Pagmumuni sa barko

PAGMUMUNI SA BARKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakatitig sa laot nang umalis na ng Luzon
sa ilalim ng laot anong hiwaga mayroon
may pamayanan ba't anong nilalang ang naroon
ah, patuloy pa rin ang diwa sa paglilimayon

marahil, may hukbo-hukbo roon ng mandirigma
may kinalaman ba sila sa daluyong at sigwa
tao ba'y iginagalang nila't nauunawa
o may himagsik sila pagkat tao'y masasama

di ba't karapatan din naman nilang maghimagsik
bahay nila'y tinapunan ng laksa-laksang plastik
basura na ang laot, paano sila iimik
sigwa't daluyong ba'y paraan nila ng himagsik

sa kawalan, nakatitig pa rin sa karagatan
hanggang ang pagmumuni'y ginambala ng awitan
may bidyoke sa barko, kasama'y nagkakantahan
awit ay "Walk On" na mataman naming pinakinggan

- kinatha sa barko mula Matnog patungong Allen, sakay ng Penafrancia Shipping Lines, Oktubre 27, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Paglisan sa Luzon

PAGLISAN SA LUZON 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"You are now leaving the island of Luzon"
sa arko ng Matnog naukit iyon
tarangkahan na iyon ng pantalan 
malapit lang sa aming tinuluyan 
sabik ang lahat marating ang Samar 
sabik nang marating ang bagong lugar
tawid-barko ang pupuntahan namin
daratal na rin sa bayan ng Allen

kayhaba pa ng aming lalakbayin
kaylayo pa ng aming lalakarin

"You are now leaving the island of Luzon"
You're now leaving the province of Sorsogon
but please, don't leave any footprints of carbon 
take care, continue fulfilling your mission
maglakad, mag-ambag sa mitigasyon
at isagawa rin ang adaptasyon
iwan munang sandali ang kahapon
upang salubungin ang bagong ngayon

- Matnog, Sorsogon, Oktubre 27, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda