MAYO 1, 1886
Haymarket Square, Chicago, Illinois
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig
(nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 4, Taon 2003)
Kinikilala na ng maraming tao
Sa maraming panig ng sandaigdigan
Araw ng Paggawa itong Mayo Uno
Ngunit alam mo ba ang pinagsimulan
Ng dakilang araw ng mga obrero?
Mahigit nang ilampung dekada ngayon
Itong nakalilipas nang itinakda
Ng American Federation of Labor
Na ang Mayo Uno ng taon ding yaon
Ay maging pambansang araw ng pagkilos
Ng mga obrero, pati mga unyon
Mula iba’t ibang mga pagawaan
Upang ang kanilang mga kahilingan
Patungkol sa walong oras na paggawa
Ay maganap at maisakatuparan.
Pagkat nang panahong iyo’y umaabot
Nang sampu hanggang labing-anim na oras
Ang ginugugol nilang lakas-paggawa
Nang kapitalista’y tumubo’t bumundat
Habang ang lakas-paggawa’y binabarat.
At ang sentro ng pagkilos nilang yao’y
Sa Haymarket Square, Chicago, Illinois
Upang itong walong oras na paggawa’y
Kanilang maipaglaban at makamtan
Ngunit ang estado’y biglaang nandahas.
Doo’y isang manggagawa ang nasawi
At mahigit pitumpu ang nasugatan
Limang lider nito’y kanilang hinuli’t
Kinasuhan ng iba’t ibang paratang
At hatol ay ‘execution by musketry’.
Ginawaran ng kamatayan ang apat
At ang isa’y naunang nagpatiwakal
Pati na ang tanggapan ng mga unyon
Ay nilusob at giniba ng pulisya
Pansamantalang natigil ang aklasan.
Ang pandarahas na iyon ng estado’y
Nakilalang ‘Haymarket Square massacre’
Pangyayaring yao’y hindi na nawaglit
Bagkus nagsilbing ningas na nagliliyab
Sa puso’t isip ng mga manggagawa.
Manggagawa’y hindi naging piping saksi
Pagkat tatlong taon pagkalipas niyon
Isang pandaigdigang pulong sa Paris
Ang idinaos ng iba’t ibang unyon
Pati na mga samahang manggagawa.
Dito’y kanilang ganap na kinilala
Manggagawang martir, dito’y dinakila
Pati isyung kinalagot ng hininga
- Ang hiling na walong oras na paggawa -
Sa pandaigdigang saklaw ay dinala.
At doo’y kanila ring idineklara
Ang susunod na Mayo Uno ng taon
At lahat pa ng Mayo Unong daratal
Bilang isang araw ng pandaigdigang
Opensiba nitong uring manggagawa.
At bago sumapit ang sunod na siglo
Hiling nilang walong oras na paggawa
At iba pang karapatan ng obrero
Ay napagtagumpayan ng manggagawa
Mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mabuhay ka, manggagawa, mabuhay ka
Ikaw na sa kasaysayan ay lumikha
Na tanging pag-aari’y lakas-paggawa’t
Bumubuhay ng ekonomya ng bansa
Ah, hindi pa tapos ang pakikibaka
Pagkat hanggang ngayo’y nagpapatuloy pa
Tunggalian ng kapital at paggawa
Kaya sa bawat Mayo Unong daratal
Isigaw natin ng buong puso’t sigla:
“Ating tahakin ang landas ng paglaya!”