ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
One Hundred Years of Solitude, natatanging nobela
at naririyan pa ang Love in the Time of Cholera,
talumpating The Solitude of Latin America,
sa Nobel Prize for Literature ay nagtagumpay ka
pang-apat sa kontinente't pang-una sa Colombia
dakila kang may-akda, Gabriel Garcia Marquez
isang henyo, mapanuri, matapang, mapagtiis
na ayon nga sa nobelistang si Carlos Fuentes
sa wikang Kastila ay awtor kang tanyag ng labis
mula pa nang makilala ang dakilang Cervantes
nababasa namin sa titik ang bawat mong tinig
lalo't tinalakay ang mundo ng dukha't pag-ibig
sa mga tigang na puso'y luha ang idinilig
tila bawat akda'y puso yaong nakaririnig
kaya mga akda mo’y kinilala sa daigdig
ang iyong mga nobela'y maraming pinaluha
pagkat inilarawan maging yaong pagkadukha
di lang sa pag-aari kundi ang puso ng madla
paalam, ngunit di mamamatay ang iyong diwa
pagkat walang kamatayan ang iyong mga akda
* Si Gabriel García Márquez (6 Marso 1927 – 17 Abril 2014) ay isang nobelistang Colombiano, may-akda ng mga maikling kwento, mamamahayag, at kinikilalang isa sa pinakamahalagang awtor ng ika-20 siglo. Nakamit niya ang 1972 Neustadt International Prize for Literature at ang 1982 Nobel Prize in Literature.