Miyerkules, Hunyo 11, 2014

Sumali sa protesta laban sa korapsyon!

SUMALI SA PROTESTA LABAN SA KORAPSYON!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaytagal na palang loko ang ilang lingkod-bayan
na animo sa taumbayan ay naninilbihan
iyun pala pinopokusan na’y kaban ng bayan
sistema’y inanak silang pulitikong kawatan

katiwalian ay talamak na, animo'y sakit
maraming nahawa sa sistemang sadyang kaylupit
sa kaban ng bayan, mga pulitiko'y nangupit
animo'y buwitre ang mga trapong mapang-umit

kung niloloko na tayo ng mga pulitiko
pulos katiwalian doon at kurakot dito
di ba tayo kikilos, papayag na lang ba tayo?
o sila'y patatalsikin na sa kanilang pwesto?

kaharap natin ang panibagong krisis at hamon
upang mahal nating bayang ito'y ating ibangon
kaya sali na sa protesta laban sa korapsyon
ito'y prinsipyadong pagkilos, di paglilimayon

lahat ng sangkot sa katiwalian ay hulihin
kahit pulitiko silang pulos mga bigatin
lahat ng may kasalanan ay agad na litisin
napatunayang nagkasala sa piitan dalhin

ngunit tandaang di sapat na mapatalsik lamang
ang mga pulitikong sangkot sa katiwalian
huwag rin tayong magkasyang sila'y maikulong lang
higit sa lahat, sistemang bulok ay mapalitan

Tatlong tula laban sa inhustisya sa manggagawa

 
TATLONG TULA LABAN SA INHUSTISYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

i

pagkakaisa ng manggagawa'y kailangan na
upang baguhin itong bansa't bulok na sistema
huwag hayaang maghari ang pagsasamantala
wakasan na ang kabulukan ng trapo't burgesya

ii

manggagawa'y lagi nang pinagsasamantalahan
batayang karapatan nila'y nilalapastangan
ng mga tiwaling opisyal sa pamahalaan
ah, dapat nang patalsikin iyang mga gahaman!
hustisya sa lahat ng obrerong pinahirapan!

iii

anong dapat gawin sa mga may bitukang halang?
na karapatan ng mga obrero'y hinaharang
walang prinsipyo silang sinasamba'y pera lamang
mga halang silang dapat sa apoy dinadarang!