MASAKER SA MENDIOLA - ENERO 22, 1987
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
labintatlong magsasaka ang doon ay pinaslang
habang walumpu pa ang sa kanila'y nasugatan
gayong makatarungan lang naman ang kahilingan
bakit ipinagkait, dinulot pa'y kamatayan
sa Ministry of Agrarian Reform ay namalagi
upang isiwalat sa publiko ang minimithi
walong araw na singkad sila roong nanatili
at sa harap ng Post Office, nagrali't talumpati
Comprehensive Agrarian Reform Program, ipatupad!
silang magsasaka'y ito yaong kanilang hangad
CARP na pangako ng Pangulong Cory'y inilantad
bakit ba pangakong ito'y tila di umuusad
kaya magsasaka'y nagtungo doon sa Mendiola
ngunit kapulisang naroo'y hinarangan sila
ang masakit ay pinaulanan sila ng bala
ilang taon na'y nagdaan, nasaan ang hustisya?