SOSYALISMO'Y TULAD NG KARAGATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
iyang sosyalismo'y tulad ng karagatan
sadyang kaylawak, saklaw ang kailaliman
sa kanya'y walang nagmamay-aring sinuman
pagkat sa kanya, lahat ay nakikinabang
tulad ng karagatan iyang sosyalismo
dagat na hindi maari-ari ng tao
mayaman o dukha, para sa lahat ito
sa dagat ay nakikinabang lahat tayo
ganyan din ang sosyalismo, tulad ng dagat
walang nag-aaring negosyanteng makunat
isda, pusit, halamang-dagat, tubig-alat
walang nag-aaring kapitalistang bundat
dagat na ito'y di dapat isapribado
pagkat sadyang hindi maisasapribado
sinong mag-aari ng Dagat Pasipiko
kung nais pa niyang mabuhay pa sa mundo
tulad ng dagat na walang nagmamay-ari
dapat iwaksi ang pribadong pag-aari
pagkat pag-aring pribado'y mapang-aglahi
na sanhi kung bakit nagkaroon ng uri
tao'y makinabang sa yaman ng lipunan
wala para sa isang uri o iilan
lipulin ang naghaharing uri sa bayan
pribadong pag-aari'y iwaksing tuluyan
dapat isulong ang sistemang sosyalismo
pagkat walang paghahati ng tao rito
dapat itatag ang lipunang sosyalismo
upang maging ganap ang ating pagkatao