Lunes, Setyembre 27, 2010

Kitang Dalawa

KITANG DALAWA
ni greg bituin jr.
11 pantig bawat taludtod

kitang dalawa'y umibig ng lihim
di man magwika'y nakauunawa
pag-iibigan natin nga'y kaylalim
ngunit batid ng matalas na diwa
halina't mag-usap muli sa lilim
tititigan ang maganda mong mukha
hahagkan kita, bango mo'y masimsim
habambuhay ibigin ka'y panata
ng pusong itong dati'y naninimdim
ngunit nang dahil sa iyo'y nawala
kahit tumanda man tayo'y may asim
ang pag-ibig sa isa't isa'y sumpa
pagsinta sa iyo'y di magdidilim
pagsintang ilaw sa puso ng madla

(kay Ms. M.)

Ang Barberong si Mang Gusting

ANG BARBERONG SI MANG GUSTING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Alam mo bang iyang si Mang Gusting
Paggupit sa kanya'y isang sining
Habang buhok mo'y binubutinting
Ng kanyang may kapurulang gunting.

Siya'y naggugupit kahit lasing
Upang kumita't may maisaing
Ang pamilyang laging dumaraing
Lalo na ang kanyang dalaginding.

Huwag kang maasar kay Mang Gusting
Pag binibirong mukha kang matsing
Buti't di itinulad sa pating
Dahil di naligo pagkagising.

Kakwentuhan ay iiling-iling
Pag nagbibiro na si Mang Gusting
Palagi man siyang may pahaging
Siya lang naman ay naglalambing.

Swerte nga ba ang dumi?

SWERTE NGA BA ANG DUMI?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

huwag daw magwawalis sa gabi
ang lola ko noon ay nagsabi
pagkat winawalis daw ang swerte
aba'y swerte na pala ang dumi

ngunit nagalit ang aking lola
nang sa bahay ipinasok ko na
ang mga nangaipong basura
pati winalis noong umaga

bakit ko raw pinasok ang dumi
nang-asar daw ako gabing-gabi
aba'y binalik ko lang ang swerte
dahil iyon ang kanyang sinabi

sa gabi'y huwag na raw magwalis
pagkat swerte'y tiyak mapapalis
pamahiing di maalis-alis
sa bagong lipunan mapapanis