Martes, Marso 2, 2010

Salita'y Panunumpa

SALITA'Y PANUNUMPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(batay sa Kartilya ng Katipunan nina Jacinto't Bonifacio)

akibat ng salita'y pagkatao
dapat mong tuparin pag sinabi mo

panindigan natin ang sinalita
pagkat bawat salita'y panunumpa

pagkain ay di baleng malimutan
kaysa masira sa pinag-usapan

huwag lang kalimutan ang pangako
upang yaong tiwala'y di maglaho

huwag tutularan ang pulitiko
na laging nangangako't nanloloko

di bale nang kumakalam ang tiyan
huwag lamang masira sa usapan

salita’y sumpa sa taong may hiya
singhalaga ng dangal ang salita

kaya tupdin ang anumang usapan
pagkat nakataya ay karangalan

Huwag Tumulad sa Asong Bahag ang Buntot

HUWAG TUMULAD SA ASONG BAHAG ANG BUNTOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hindi tayo uto-uto, may isip tayo
ngunit ang marami'y sumasamba sa trapo
tagapagligtas ba ang mga pulitiko
kaya marami'y bahag ang buntot sa amo

lumaban tayo pag tayo na'y hinahamak
at pagkaapi'y huwag daanin sa iyak
pagkatao'y di dapat malublob sa lusak
at kung kinakailangan tayo'y rumesbak

di tayo tulad ng asong bahag ang buntot
na sa mga pulitiko'y susunod-sunod
tayo'y mga taong marangal at di takot
at sa mga buktot ay di dapat maglingkod

hindi tayo uto-uto, may isip tayo
ipaglaban natin ang ating pagkatao

E, ano, kung ako ay pula

E, ANO, KUNG AKO AY PULA
ni Gregorio V. Bituin Jr,
9 pantig bawat taludtod

e, ano, kung ako ay pula
ito'y karapatan ko naman
kaysa tulad nilang malansa
ang kamay sa katiwalian

e, ano, kung ako ay pula
at aktibistang lumalaban
kaysa naman maging pasista
na puso'y pawang katakawan

e, ano, kung ako ay pula
di tumulad sa iba riyan
na prinsipyo'y ibinebenta
imbis na ito'y ipaglaban

e, ano, kung pulahan ako
nais ko lang ay pagbabago
ng sistemang binulok ninyo
at ginagahasang totoo

dahil ba pula ako'y dapat
na lang nilang pagmalupitan
gayong utak nila'y kaykunat
na nasa isip sarili lang

dahil ba pula ako'y dapat
nang durugin ang karapatan
at katawan ko pa'y maratrat
ng kanilang baril na tangan

ako'y pula at pula ako
kaya dapat lang irespeto
tao rin ako tulad ninyo
na tangan lagi ang prinsipyo

ako'y pula at pula ako
lalabang tunay hanggang dulo
kahit kapalit pa'y buhay ko
para sa masa't pagbabago