ako raw ay isang bolerong makata
isang salawahan sa pagsasalita
di ito totoo dahil pawang bula
ako'y nanunumpang tapat sa salita
ang mga salita'y kaya kong tahiin
pagpupuluputin o pagtatagniin
pagkat makata ngang wika'y hahabihin
di ibig sabihing salawahan na rin
sabi sa Kartilya, sa taong may hiya
ang salita'y sumpa, nakakatulala
ngunit inangkin kong tapat na adhika
ng Katipunerong bayani't dakila
ako'y manunulang tapat sa pag-irog
pagsintang alay ko'y talagang kaytayog
ang totoo niyan, ako ang bubuyog
na mahiyain ma'y makapal ang apog
hanap ko'y bulaklak, ang magandang rosas
na aalayan ko ng pagsintang wagas
kung ako'y makatang bolero'y di ungas
nais kong pagsinta'y parehas at patas
handang ipaglaban ang tanging pag-ibig
sa wasto lang ako makikapitbisig
sa tama lang ako kung inyong marinig
subalit ang mali'y aking inuusig
kaya inyong dinggin ang aking pahayag
sa tula ko'y wala kayong idaragdag
tulang may prinsipyo, tulang pumapalag
pagkat di malambot, diwa'y di matinag
- gregoriovbituinjr.