Huwebes, Enero 23, 2025

Pagninilay at pagsusulat

PAGNINILAY AT PAGSUSULAT

ngayon pa lang nagsisimula ang gabi sa akin
matapos ang maghapong pagninilay sa usapin
ano nga bang nasa dako roon ng takipsilim
upang mga paksa'y maisulat ko nang may talim

kayraming mga kwento't nakakalap na balita
na dapat mabatid ng masa, lalo't mga dukha
yaong inaasam na paninindigang dakila
ay dapat ipaglaban ng uring api't kawawa

anumang oras habang di pa ako inaantok
ay patuloy na kakatha kagatin man ng lamok
kayraming pangyayaring di mo talaga malunok
magbakasakali lang dukha'y ilagay sa tuktok

sana nobela'y makatha kahit may agam-agam
baka sa unang nobela pangalan ko'y kuminang
pag kumita ang nobela'y may pambayad ng utang
na ilang taon ding pagsisikapang mabayaran

- gregoriovbituinjr.
01.23.2025

Batang isang taon, nalunod sa timba

BATANG ISANG TAON, NALUNOD SA TIMBA

nakakaiyak, nakakagitla
nang mabasa ang isang balita
isang taong gulang lang na bata
yaong nalunod sa isang timba

biktima umano'y naglalaro
sa likod-bahay, ngunit naku po!
buhay niya'y kay-agang naglaho
pangarap sa kanya'y nagsiguho

nasabing bata'y napabayaan
habang magulang ay nag-agahan
timbang may tubig ang nilaruan
ng bata't siyang kinalunuran

kung ako ang ama'y anong sakit
na habambuhay kong mabibitbit
may pangarap pa ang aking paslit
ngunit nangyari'y sadyang kaylupit

- gregoriovbituinjr.
01.23.2025

* ulat mula sa mga pahayagang Abante at Bulgar, Enero 23, 2025, pahina 2