ANG KUYOG BILANG PILOSOPIYA NG KATARUNGAN
marami nang balitang kinuyog ng mamamayan
ang mga salaring may ginawang krimen sa bayan
sadyang kinuyog siya ng galit na taumbayan
na nagtulong-tulong upang krimen ay mapigilan
pakiramdam ng taumbayan, sila ang biktima
sila ang hinoldap, ginahasa, at pinuntirya
di ito hahayaang mangyari pa sa kanila
taumbayan na ang sa kriminal ay nagsentensya
maraming tao ang nagtulong-tulong kaya kuyog
tulad nito ang bayanihan ng mga bubuyog
napakarami, sama-sama, mundo'y inaalog
animo'y bulkan silang sama-sama sa pagsabog
anyo ng hustisyang pinakita ng Pilipino
nagkakaisang pagkilos laban sa tarantado
di man magkakakilala'y pipigilan ang gago
upang mapiit dahil sa sala sa kapwa tao
kuyog na'y isang pilosopiya ng katarungan
naiibang hustisyang marahil taal sa bayan
tulong-tulong sila pagkat di nila hahayaan
na ang kriminal ay pagala-gala sa lansangan
- gregbituinjr.
Sabado, Pebrero 1, 2020
Sali, salit, salita
SALI, SALIT, SALITA
kahapon, unti-unti kong sinasalsal ang diwa
magtatapos na ang buwan, wala pa ring nagawa
unang araw ng panibagong buwan ay kakatha
ng bukangliwayway, ilalarawan ang paglaya
mula sa lumbay, karahasan, dugo, dusa't luha
sumali ako sa ilang samahang kumikilos
upang kalabanin ang anumang pambubusabos
kahit salit-salitan, pamilya, kilusan, kapos
kahit walang masasayang piging na idaraos
upang baguhin ang sistemang dulot ay hikahos
pag-ibig ang itinaguyod upang laya'y kamtin
upang may kapayapaan sa puso't diwa natin
at ngayon, yaring diwa'y patuloy na sasalsalin
upang makatas ang mga salitang tutulain
bakasakaling may bagong palad kitang dadamhin

Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)