Miyerkules, Oktubre 8, 2025

Sa tambayan

SA TAMBAYAN

nasa Fiesta Carnival muli ako, O, sinta
doon sa dati, sa tinatambayan ko madalas
muling kumakatha habang naaalala kita
tayo'y nag-usap anong panonooring palabas

oo, madalas, doon mo ako pinupuntahan
agad magkukwento ka pagkagaling sa trabaho
kaytamis ng ngiti mo't agad akong susulyapan
habang ako nama'y nakikinig sa iyong kwento

ako'y nag-iisa na lang sa Fiesta Carnival
habang inaalagata ang nakaraan natin
habang doon sa tabi-tabi ay nagmiminindal
aba'y anong sarap pa ng ating mga kutkutin

hanggang dito na lang muna, O, diwata ko't irog
nagunita ka lang ng pusong nagkalasog-lasog

- gregoriovbituinjr.
10.08.2025

Mukhang Sr. na kasi si Jr.

MUKHANG SENIOR NA KASI SI JUNIOR

sa dulo ng ngalan ko'y may Junior
aba'y mukha na raw akong Senior
kaya pamasahe imbes kinse
sa minibus, singil nila'y dose

bago mag-Senior, ilang taon pa
ngunit nangalahating siglo na
aba'y dapat wala pang diskwento
ngayon, meron na't ubanin ako

salamat naman at nakatipid
ang mula sektor ng sagigilid
kung may Senior I.D., di nagtanong
na sana'y masasagot ko iyon

di pa ako Senior, sasabihin
ko't diskwento'y tiyak babawiin

- gregoriovbituinjr.
10.08.2025

Tarang mag-almusal

TARANG MAG-ALMUSAL

patibayin ang katawan
at busugin din ang tiyan
kumain na ng agahan
upang di ka panghinaan

mahirap kung walang kain
kung maraming lalakarin
dahil baka ka gutumin
ay baka maging sakitin

tara munang mag-almusal
upang di babagal-bagal
at din rin hihingal-hingal
sa daraanan mang obal

dapat tumatag ang isip
na kayraming nalilirip
busog ay may halukipkip
at lakas ang kahulillip

- gregoriovbituinjr.
10.08.2025

Kami'y mga apo ni Leonidas

KAMI'Y MGA APO NI LEONIDAS

kami'y mga apo ni Leonidas
mandirigmang lumalaban ng patas
mandirigma ang tinahak na landas
marangal, sa labanan ay parehas

katulad ko'y Ispartang si Eurytus
maysakit man ay lumaban ng lubos
nang sa Thermopylae, siya'y inulos
hanggang mga mandirigma'y naubos

di gaya ng isang Ispartang duwag
na ang sariling buntot ay nabahag
si Aristodemus na nangangarag
sa digma'y umuwi, di nakibabag

kami'y mga aktibistang Spartan
na laging handâ sa anumang laban
na misyon ay baguhin ang lipunan
nang ginhawa'y kamtin ng buong bayan

- gregoriovbituinjr.
10.07.2025

* litrato mula sa google

Kwento ng dalawang wish

KWENTO NG DALAWANG WISH

nag-ala-Kara David na si Bishop
ngunit iniba lang ang pangungusap
kay Kara, mamatay lahat ng korap
na birthday wish ko na rin sa hinagap

kay Bishop Soc, kung siya'y mamamatay
mga korap sana'y maunang tunay
kina Kara't Bishop, wish nila'y lantay
mula sa pusò, may galit na taglay

poot sa lahat ng mga kurakot
sa kaban ng bayan, dapat managot
bantayan, dapat walang makalusot
ipakita natin ang ating poot

mamatay lahat ng mga tiwali
trapo't dinastiya'y dapat magapi

- gregoriovbituinjr.
10.08.2025