Linggo, Oktubre 13, 2024

Pinaghalong bawang at sibuyas juice

PINAGHALONG BAWANG AT SIBUYAS JUICE

pinakuluan ko ang bawang at sibuyas
at iniinom ito na animo'y gatas
dagdag ito sa arsenal na pampalakas
habang naghahanap ng puno ng bayabas

na tingin ko'y bihira na sa mga lungsod
baka sa lalawigan pag ito'y sinuyod
bitamina D at D2 ang nasa't lugod
malusog na katawan ang tinataguyod

kung walang bayabas, sibuyas muna't bawang
gayatin, ilagay sa baso at bantuan
ng mainit na tubig o pakukuluan
saka inumin pag iyon na'y maligamgam

BAwang at SIbuyas, tawagin nating BASI
habang ginagawa iyon ay nagmumuni
dahil tiyak kong inuming ito'y may silbi
nang katawa'y lumakas sa araw at gabi

- gregoriovbituinjr.
10.13.2024

Hindi bulag - salin ng tula ni Taghrid Abdelal

HINDI BULAG
Tula ni Taghrid Abdelal
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Hindi, hindi gayon. Ngunit tinangay ng pag-ibig
ang isa kong mata upang angkinin, may
pangitain ang pag-ibig bago magsilang, 
na kinausap ako hinggil sa katumpakan
ng kung anong nagaganap sa mga salamin.

At pagkatapos ay nabulag ito - dahan-dahan
kaming binabad mula sa likod ng isang belo,
at hindi namin ito makita.

Isang nakabibinging hangin ang nagbulong sa akin
na ang mga hangganan ay naniniwalang 
ang espasyo'y mas maliit kaysa daigdig
mula nang iginuhit ng mga paslit 
ang globong mas maliit kaysa kanilang tahanan
at mga matang mas malaki kaysa kanilang mukha.

Dito'y bigong mahanap ng pag-ibig ang mga mata nito,
hiniram ang labi ko
para sa mas mabuting anyo.

Pag-ibig, bakit hindi ka manatili kung ano ka,
nang walang opisyal na titulo,
at nabubuhay para sa sinumang may hangad sa iyo
sa loob ng limang minuto
bago ka magpatiwakal?

Napakalupit mong
ipinahayag ang iyong pakikipagtalik
sa paraiso.

10.13.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Ulo ng tilapya kay alaga

ULO NG TILAPYA KAY ALAGA

ang natirang ulo ng tilapya
ang pasalubong ko kay alaga
batid kong ang hilig niya'y isda
kaya ito'y aking inihanda

bantay siya sa bahay na ito
pag kami'y naroon sa trabaho
lalo't wala naman kaming aso
mga daga'y nawalang totoo

pag dumating kami'y sasalubong
si alaga kung anong mayroon
buti pag may natira kaming baon
na siya namang kakain niyon

salamat, alaga, nariyan ka
sa tahanan ay laging kasama
ngunit pag wala namang natira
sa pagkain, hingi ko'y pasensya

- gregoriovbituinjr.
10.13.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/vb8eH9Ltmi/ 

Mga natanggap na ecobag sa nadaluhang pagtitipon

MGA NATANGGAP NA ECOBAG SA NADALUHANG PAGTITIPON
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa loob lang ng wala pang isang buwan ay nakatanggap na ako ng tatlong ecobag mula sa tatlong pagtitipon. Nakakatuwa at mayroon silang pabaon sa mga nagsidalo. Maganda ang ganito lalo na't madaling mapansin ng sinuman ang mga nakatatak na sadyang mapagmulat.

Natanggap ko ang isa bilang representante ng aming organisasyon sa 13th National Congress ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) noong Setyembre 17-18, 2024. Bawat dumalo ay mayroon din nito. Ang nakatatak sa ecobag ay "Uphold, assert & defend! all human rights for all!" at "52 Years Later: Remembering Martial Law and Upholding the Rule of Law", na may logo ng PAHRA at The May 18 Foundation.

Ang isa pa sa natanggap ko ay ang maliit na ecobag na nakasulat ay "Say No to Plastic" na ginawa kong lagayan ng charger ng laptop at selpon. Ito'y mula naman sa General Assembly ng Green Convergence for Safe Food, Healthy Environment and Sustainable Economy noong Oktubre 4, 2024. Kinatawan naman ako roon ng Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA).

Nang dumalo ako sa 6th General Assembly ng iDefend noong Oktubre 7-11, 2024, ay natanggap naman ng mga nagsidalo ang ecobag na may logo at nakasulat na iDefend at sa ibaba niyon ay ang ibig sabihin niyon: In Defense of Human Rights and Dignity Movement, at sa ibaba pa'y malaking nakasulat ang Human Rights Defender (HRD). Natanong ko lang sa sarili: Bakit kaya walang 's' sa dulo ng Defender? Marahil, dahil isang tao lang ang may dala ng ecobag kaya walang 's' sa Human Rights Defender. Palagay ko lang naman.

Bukod sa mga kaalamang ibinahagi at balitaktakan mula sa mga nasabing pagtitipon, magandang souvenir ang ecobag na madadala kahit saan, at maaaring makapagmulat pa sa makakasalamuhang mamamayan. Maraming salamat sa mga ito!

ECOBAG

samutsaring ecobag ang aking natanggap
mula sa mga dinaluhang pagtitipon
pawang alaala mula sa pagsisikap
ng sinamahang mabuting organisasyon

mula sa PAHRA, Green Convergence at iDefend
ecobag nila'y kayraming mapupuntahan
tungo sa kagalingan ng daigdig natin
at pakikibaka para sa karapatan

simpleng souvenir man ang kanilang naisip
iyon ay regalong sa puso'y tumatagos
may islogang sa buhay ay makasasagip
upang danas na dilim sa mundo'y matapos

islogan sa ecobag, ang dala'y liwanag
para sa karapatan, pag-iwas sa plastik
pasasalamat sa natanggap na ecobag
mapagmulat ang islogang dito'y natitik

10.13.2024