Miyerkules, Abril 6, 2022

Tarp na baligtad

TARP NA BALIGTAD

bakit tarp ay baligtad, takot kaya sila roon?
takot dahil pambáto roo'y trapong mandarambong?
malakas daw sa surbey, baka manalong malutong?
maaari sanang maiayos ang tarp na iyon

aba'y naglagay nga ng tarp ng Manggagawa Naman
ngunit baligtad, parang sa araw lang pananggalang
aba'y ginawa lang trapal sa naroong tindahan
nadaanan ko lang ito kaya nilitratuhan

ito kaya'y simbolo ng tákot ng maralita?
sa punong bayan nila, na dala'y trapong kuhila
tila ba kandidato natin ay kaawa-awa
gayong kandidato'y kauri nating mga dukha

nasa lungsod iyon ng namumunong dinastiya
takot pa ang masa, na baka raw matukoy sila
baka sila'y di bigyan ni mayora ng ayuda
ganitong sistemang trapo'y dapat lang wakasan na

kung paniwala'y tama, huwag padala sa takot
dapat tapusin na ang panahong buktot-baluktot
wakasan na iyang dinastiya, trapo't kurakot
kung di ngayon, kailan pa sistema'y malalagot?

- gregoriovbituinjr.
04.06.2022

Sa Daang Maganda

SA DAANG MAGANDA

maluray-luray ako sa kaiisip sa kanya
hanggang nilakad ang mga eskinita't kalsada
nagninilay nang mapadako sa Daang Maganda
napanatag ang kalooban ko't dama'y sumaya

doon pa lang sa kalsadang ngalan ay natititik
tumigil sumandali, nagnilay nang walang imik
pakiramdam ko animo'y nabunutan ng tinik
sa lalamunan at balikat ay tinapik-tapik

ah, kaysarap ng simoy ng umagang mapayapa
ano't sa Daang Maganda, agad akong sumigla
ang aking pagkaluray kanina'y nabuong bigla
sa aking guniguni'y dumalaw ang sinta't mutya

kaya nag-selfie sa karatulang Maganda Street
na tandang nasa lansangan ako ng maririkit
panibagong pag-asa ang sa diwa'y nabibitbit
tila sa puso ko'y may kung sinong kumakalabit

- gregoriovbituinjr.
04.06.2022

Makasaysayang pagtakbo

MAKASAYSAYANG PAGTAKBO

makasaysayang pagkakataon para sa bayan
ang pagtakbong Pangulo ni Ka Leody de Guzman
di trapo, di bilyonaryo, at di rin nagpayaman
subalit marangal, matino, Manggagawa Naman!

dati, tumatakbo'y mula sa dinastiya't trapo
walang pagpilian ang mamamayang bumoboto
kaya halalan ay itinuring na parang sirko
maboboto basta sumayaw lang ang kandidato

subalit bigla nang naiba ang ihip ng hangin
ang isyu ng masa'y naging mahalagang usapin
nang tumakbo ang lider-obrerong kasangga natin
bilang Pangulo ng bansa, sistema'y nayanig din

trapo'y kinabahan nang ilampaso sa debate
yaong pasayaw-kendeng na nais mag-presidente
di na tuloy dumadalo sa debate ang peste
este, ang kupal, este, ang magnanakaw, salbahe!

kaya, manggagawa, iboto ang ating kauri
si Ka Leody de Guzman ay ating ipagwagi
Manggagawa ang gawing Pangulo ng bansa't lahi
upang makamit na ang pagbabagong minimithi

- gregoriovbituinjr.
04.06.2022