Linggo, Setyembre 17, 2023

Palaisipan

PAG-IBIG

sa malagkit na titig
kahit walang pinipig
pagsinta'y mananaig
sadyang nakaaantig

panahon ma'y kaylamig
animo'y maririnig
kapara ng kuliglig
ang bulong ng pag-ibig

- gbj/09.17.2023

Tatlo na lang

TATLO NA LANG

tatlo na lang, pitong libo na
tiya-tiyaga lang talaga
higit nang dalawang dekada
sa kathang pagbaka't pagsinta

taospusong pasasalamat
kung tula ko'y nakapagmulat
kahit minsang pinupulikat
sa pagnilay sa tabing dagat

talagang ako'y nagpatuloy
sa panahon mang kinakapoy
lalo't sa diwa'y dumadaloy
ang mga paksang di maluoy

narito mang nagmamakata
tigib man ng lumbay at luha
ako'y kakatha ng kakatha
kahit madalas walang-wala

- gregoriovbituinjr.
09.17.2023

Palaisipan

PALAISIPAN

hilig ko ang sumagot ng palaisipan
upang bokabularyo'y mapaunlad naman
kahit payo sa kapwa'y pinag-iisipan
sa problemang nilahad, anong katugunan?

sa krosword, tanong pahalang ay aalamin
at ang tanong pababa ay susuriin din
titik sa bawat kahon ay pagtutugmain
nang paglapat ng tamang salita'y tiyakin

halimbawa ang tanong ay SALAT, ano na?
ang sagot ay HAWAK o KAPOS? magkaiba
KAPA'y BALABAL o SALAT? iisipin pa
gaya ng payo, pag-iisipan din, di ba?

palaisipan ay pampatalas ng isip
na bisyo ko sa panahong nakaiinip
naghihintay, nagninilay, may nililirip
na minsan, may bagong salitang nahahagip

- gregoriovbituinjr.
09.17.2023