Martes, Enero 14, 2025

Pagsasama ng maluwat

PAGSASAMA NG MALUWAT

magkasama tayo sa hirap,
sa ginhawa't pinapangarap
ang bawat isa'y lumilingap
at buong pusong tinatanggap

kaya tayo'y naritong buo
at tinutupad ang pangako
na habambuhay na pagsuyo
sa pag-ibig ay di mabigo

pagmamahalan daw na tapat
ay pagsasama ng maluwat
sakaling mayroong manumbat
ay magkasundo pa rin dapat

bawat isa'y iniintindi
kahit sa bayan nagsisilbi
iyan ang aking masasabi
sa asawang laging katabi

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

Gamot mula sa balat ng bangus

GAMOT MULA SA BALAT NG BANGUS

talagang kahanga-hanga ang nadiskubre
ng mga aghamanon mula Ateneo
natuklasan nilang lunas pala sa lapnos
ang balat ng bangus, oo, balat ng bangus

kaysa nga naman basta itapon na lamang
ang balat ng bangus, bakit hindi tuklasin
ang gamit nito bilang panlunas sa paso
o lapnos sa balat, isang alternatibo

katulad din pala ng balat ng tilapya
na ginamit namang ointment na pinapahid
sa sugat sa balat upang ito'y gumaling
at selula ng balat ay muling mabuhay

talagang ako'y nagpupugay sa kanila
upang matulungan ang mga walang-wala
at sa mga aghamanon ng Ateneo
taospuso pong pasasalamat sa inyo

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, enero 11, 2025, p.6

Nilay sa munting silid

NILAY SA MUNTING SILID

nagninilay sa munting silid
dito'y di ako nauumid
bagamat minsan nasasamid
minsan may luhang nangingilid

kayraming napagninilayan
pawang isyu't paksang anuman
o kaya'y mga karanasan
pati hirap ng kalooban

sa mga sulatin ko'y paksa:
may hustisya pa ba sa bansa
para sa manggagawa't dukha
sa kababaihan at bata

bakit ba ang sistema'y bulok
at gahaman ang nasa tuktok
ito'y isang malaking dagok
ang ganito'y di ko malunok

kaya dapat pa ring kumilos
nang ganyang sistema'y matapos
wakasan ang pambubusabos
at sitwasyong kalunos-lunos

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

Denice Zamboanga, unang Pinay MMA World Champ

DENICE ZAMBOANGA, UNANG PINAY MMA WORLD CHAMP

kay Denice Zamboanga, taasnoong pagpupugay
dinala mo ang bandila ng bansa sa tagumpay
unang Pinay Mixed Martial Arts fighter na kampyong tunay
sa One Championship, O, Denice, mabuhay ka! mabuhay!

ang kanyang tagumpay ay talagang makasaysayan
pagkat mabigat na pagsubok yaong nalampasan
kanyang na-second round technical knockout ang kalaban
isang Ukrainian na katunggali sa Bangkok, Thailand

bente-syete anyos lang ang Pinay na mandirigma
tinalo niya'y ilang beses nang nakasagupa
women's Atomweight title ang napanalunang sadya
mayroon pang limampung libong dolyar na pabuya

nawa'y makamayan ng mga tagahanga niya
ang tubong Lungsod Quezon na si Denice Zamboanga
idol upang MMA ay itaguyod talaga
sa ating bansa; si Denice - inspirasyon ng masa

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, p.12, at Abante, p.8, petsang 12 Enero 2025

Dugtungang haiku, hay naku

DUGTUNGANG HAIKU, HAY NAKU

ang magsasaka
at uring manggagawa,
nakikibaka

kanilang asam
ang bulok na sistema'y
dapat maparam

makatang ito
ay katha ng katha ng
haiku, hay naku

pagkat tungkulin
niyang buhay ng masa'y
paksang tulain

kamuhi-muhi
iyang kapitalismong
dapat mapawi

ah, ibagsak na
ang kuhilang burgesya't
kapitalista

walang susuko
lipunang makatao'y
ating itayo

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

* ang haiku ay tulang Hapones na may pantigang 5-7-5