Sabado, Abril 16, 2011

Ang Nais ng Batang Lansangan

ANG NAIS NG BATANG LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

buhay ba'y lagi nang ganyan
sabi ng batang lansangan
"araw-araw kagutuman
pamana ba'y kahirapan
ano bang pamamaraan
upang aking maiwasan
ang danas na kasalatan
at akin namang matikman
ang nasang kaligayahan
nais ko namang gumaan
itong aking kalagayan
a, ako'y maninilbihan
at aking pagsisikapang
magkatrabahong tuluyan
kahit maging alipin man
ng kung sinong mayayaman
tatanggapin kaya naman
ang tulad kong dukha lamang
o ako'y paglalaruan
at pagtatawanan lamang
basta aking susubukan
na magkatrabaho naman
di nga ba't may kasabihan
pag aking pinagsikapan
meron ding kapupuntahan
kapag pinangatawanan
pangarap ko'y makakamtan
basta't hindi sapilitan"

Dyaryo at Dyarista

DYARYO AT DYARISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

doon natititik ang mga insidente
nakatala sa dyaryo'y isyu't pangyayari

balita sa sambayanan ba'y anong silbi
para ba mabatid kung sinong nanalbahe
para ba maiwasan yaong mga imbi
para ba mayroong maikwento't masabi

ang panitik ng dyarista'y di napipipi
balitang nasagap ay di sinasantabi
agad na susundan, sila'y dumidiskarte
sinusulat agad kahit anong mangyari

balita ang kanilang ipinagbibili
dito sila nabubuhay at nagsisilbi