Lunes, Mayo 10, 2021

Tayo ang kalikasan

TAYO ANG KALIKASAN

"Tayo ang kalikasan" sa tarpolin ay pamagat
ng tulang naroon, sa pitong taludtod nasulat
talab sa puso't diwa ang mensaheng nadalumat
tayo raw ang kalikasan ang isinisiwalat

gawin ang marapat, isa lang ang ating daigdig
sa pangangalaga nito, tayo'y magkapitbisig
mga sumisira nito'y dapat nating mausig
at kung kinakailangan, sila'y ating malupig

pasasalamat sa makabagbag-damdaming tula
kaya sa tarpoling ito'y nag-selfie ang makata
salamat sa mensahe at kayraming natutuwa
dahil sa prinsipyado't makatuturang adhika

salamat sa makatang kumatha ng tulang iyon 
kung sino man siya'y isa iyong pagkakataon
upang madla'y magsikilos, magkaisa't bumangon
upang tahanang daigdig ay saklolohan ngayon

- gregoriovbituinjr.

* selfie sa aktibidad ng mga grupong makakalikasan sa QC Memorial Circle bandang 2017 o kaya'y 2018

Sa ika-124 na anibersaryo ng pagpaslang sa Supremo

SA IKA-124 NA ANIBERSARYO NG PAGPASLANG SA SUPREMO

sa kasaysayan ay kilala ang Diyes de Mayo
na araw ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio
siya'y kilala bilang bayaning Katipunero
ngunit di mananakop ang pumaslang sa Supremo

siya'y pinaslang ng may nasa rin ng kalayaan
pinaslang ng kapwa rin niya mga kababayan
siya'y pinaslang ng kapanalig sa Katipunan
ang pumaslang ay mga karibal sa himagsikan

nakatala sa kasaysayan kung paano nalugmok
ang Supremo't ang kanyang kapatid sa isang bundok
may nagsabing siya'y binaril, tinaga ng gulok
dahil daw kinalaban ang naghahangad sa tuktok

ngunit sa bayan, kayraming ambag ni Bonifacio
na pinamunuan ang laban ng Katipunero 
upang lumaya ang bayan, nakibakang totoo
ngunit siya nga'y pinaslang, kasama si Procopio

naiwang sulatin ng Supremo'y pinag-aralan
kanyang mga tula't sanaysay ay makasaysayan
sinalin niyang tula ni Rizal ay kainaman
patunay ng talino niya't mga kaalaman

Diyes de Mayo, sa anibersaryo ng pagpaslang 
kay Maypagasa o kay Agapito Bagumbayan
siya'y inspirasyon sa may nais ng kalayaan
taos na pagpupugay sa kanyang kadakilaan

- gregoriovbituinjr.
05.10.2021

Sa kaarawan ni Sir Ding

SA KAARAWAN NI SIR DING

maligayang kaarawan sa yumaong Ding Reyes
araw din ng pagpaslang sa bayaning si Gat Andres
dalawang Katipunerong talagang magkaparis
na pananakop sa bayan ay di nila matiis

si sir Ding ay historyador, kaibigang matalik
sa kasaysayan ay gabay ko sa pananaliksik
isa ring guro't manunulat na sinasatinig
ang kultura, at anumang ang masa'y hinihibik

magkasama sa grupong Kamalaysayan na hangad
Karilya'y isapuso, sa kasaysayan mamulat
sa tulong niya ay nakagawa ako ng aklat
libro kong Macario Sakay sa U.P. inilunsad

kayrami niyang pinamunuang organisasyon
at tagapagtaguyod din ng makataong layon
tulad ng Kamayan para sa Kalikasan Forum
na higit tatlong dekada na'y patuloy pa ngayon

kayrami niyang librong sinulat at nalathala
may tungkol sa kalikasan, may tungkol sa adhika
may kooperatiba, may kasaysayan ng bansa
may libro siya ng sariling tula't ibang paksa

marami pong salamat, maligayang kaarawan
mabuhay ka, Sir Ding Reyes, na aming kaibigan
mananatili kang patnubay ng Kamalaysayan
at di ka mawawala sa aming puso't isipan

- gregoriovbituinjr.05.10.2021

* kuha ang litrato sa paglulunsad ng aklat na "Macario Sakay: Bayani" ni Gregorio V. Bituin Jr. sa UP Manila noong sentenaryo ng pagbitay kay Macario Sakay, Setyembre 13, 2007; ang nasabing aklat ay inilathala ng Kamalaysayan

Ang papel ng papel

ANG PAPEL NG PAPEL

papel ang arbitrary ruling, pwedeng ibasura
ani Mang Kanor na namamanikluhod sa Tsina
di ba't papel din lang ang ipinanalong balota
sa halalan, balotang pwede ring maibasura?

kung papel lamang ang turing sa arbitrary ruling
na pwedeng kuyumusin at ibasura ng praning
ang pagkapanalo sa pagkapangulo'y ano rin?
di ba't balotang patunay ng panalo'y papel din?

panalong arbitrary ruling na ibabasura?
dahil papel tulad ng ipinanalong balota?
lukutin kaya ng masa't balota'y ibasura
upang maunawaan niyang di tanga ang masa

kung balewala ang papel, gayon din ang titulo
ng lupang pinag-aawayan ng kamag-anak mo
birth certificate at sedula'y papel ding totoo
papayag ka bang lamukusin lang ang mga ito?

ang soberanya ng bansa'y nakasulat sa papel
ang Konstitusyon ng bansa'y nakasulat sa papel
ang diploma mo ng pagtatapos ay nasa papel
pinanalong arbitrary ruling ay nasa papel

dahil lamang may utang na loob siya sa Tsina
ay binabalewala na niya ang soberanya
balintuna ang utak, dinadala na ang masa
upang sariling bansa'y gawing probinsya ng Tsina

ilang beses na ba niyang pinagsasabi iyan
baka managot pa siya sa atas na pagpaslang
ng walang due process sa ilang libong mamamayan
ngunit may ibang panahong singilin siya diyan

kayang mag-atas na karaniwang masa'y paslangin
sa ngalan ng War on Drugs ay kayraming pinatay din
subalit bahag ang buntot sa Tsina't pupurihin
kulang na lang ay lantaran niya itong sambahin

papel lang pala ang arbitrary ruling na ito
papel din lang ang balotang kanyang ipinanalo
subukan din kayang ibasura ng mga tao
upang mapalitan ito ng matinong gobyerno

na karapatang pantao'y talagang igagalang
na panlipunang hustisya'y makakamtan ng bayan
na maitatayo'y isang makataong lipunan
na mananagot ang may atas ng mga pagpaslang

- gregoriovbituinjr.