Huwebes, Abril 27, 2017

Ang LOTR at ang TGLR

ANG LOTR AT ANG TGLR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nais kong itulad ang bagay sa isa pa, minsan,
halimbawa'y ang Lord of the Rings sa The Great Lean Run
na sa biglang tingin natin ay magkaiba naman
ngunit pareho palang may kaugnayan kay Lean
para bagang pinagtiyap ang kwento't kasaysayan

ang una'y kwento ng digmaan at kapangyarihan
bakit dapat madurog ang singsing ng kasamaan
ang ikalawa naman ay di lamang simpleng takbuhan
kundi paggunita sa naganap sa nakaraan
at paghahanda sa kasalukuyang tunggalian

kapwa pagtatanggol ng api ang tuon ng isip
dignidad at panlipunang hustisya'y nalilirip
nasa diwa na buhay ng kapwa nila'y masagip
na halos ikamatay sa panganib na gahanip
minsan, mga bagay na ganito'y kahalukipkip

- 27 Abril 2017

* Lean - ito ay si Lean Alejandro (Hulyo 10, 1960-Setyembre 19, 1987)

Di pa matitiklop ang aklat ng buhay ni Lean

DI PA MATITIKLOP NA AKLAT ANG BUHAY NI LEAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di pa matitiklop na aklat ang buhay ni Lean
nakabuklat itong lagi para sa sambayanan
upang hanguan ng aral ng mga nakaraan
upang hanapin ang pag-asa sa kinabukasan

kailangan ng masa'y inspirasyon at kakampi
lalo't sila'y sa kawalang-katarungan sakbibi
at ang buhay ni Lean ay may aral na may silbi
sa lahat ng nakikibaka sa araw at gabi

sa aklat ng buhay ni Lean ating mabubuklat
ang diwa't pilosopiya ng isang taong mulat
dapat makipagkapwa tao sa kapwa't kabalat
ang ipagtanggol ang api't dukha'y karapat-dapat

di pa maititiklop ang aklat ng kanyang buhay
hangga't maraming api't pagkatao'y niluluray
ng sistemang bulok; si Lean na napakahusay
ay lalaging inspirasyon ng sambayanang tunay

* Lean - ito ay si Lean Alejandro (Hulyo 10, 1960-Setyembre 19, 1987)