Linggo, Disyembre 22, 2013

Ang kabuluhan ng kabulukan

ANG KABULUHAN NG KABULUKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang kabulukan kaya'y mayroon pang kabuluhan?
kung wala naman, ano pang saysay ng kabulukan?

alam natin na may hangganan din ang bawat bagay
tulad ng tao, may pagkasilang at pagkamatay

sistemang bulok nga'y tiyak na may katapusan din
ngunit bakit kaya dito'y may yumayakap pa rin

dahil tulad ng buwitreng kumakain ng bulok
ang nakikinabang sa ganitong sistema'y hayok

mapang-api't hayok na hayok sa laman ng kapwa
linta sa pawis at dugo ng masa't manggagawa

ang kabuluhan ng kabulukan ay ang malaman
ng taumbayan na pagbabago na'y kailangan

Solo man sa laban

SOLO MAN SA LABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

basta alam mong nasa tama ka
lumaban ka kahit nag-iisa

Bathala ma'y walang pakialam
kasama ma'y walang pakiramdam

solo man sa laban, magpatuloy
kaysa malubog ka sa kumunoy

kaaway mo ma'y sanlaksang praning
kalaban ma'y laging nagpipiging

kaaway mo ma'y sa yaman sakdal
at kaydaming baril, mga kawal

durugin ang mga walang budhi
dangal mo'y dapat mapanatili

basta alam mong nasa tama ka
lumaban ka kahit nag-iisa

Wala nang karapatan yaong may dungis na dangal

WALA NANG KARAPATAN YAONG MAY DUNGIS NA DANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

wala nang karapatan yaong may dungis na dangal
dahil ang kilusan ay di sangtwaryo ng kriminal
dito prinsipyo'y yakap pati disiplinang bakal
hindi maaari dito ang may pusong pusakal

tulad din sa mahal na Katipunan pag sumapi
pulos sakripisyo dito't wala ritong salapi
pagbabago't pagpapakatao ang dito'y mithi
ang prinsipyo ng kilusan ay susunding masidhi

kung may ginawa kang mali sa kasama't kilusan
ang magtagal pa rito'y ano pa yaong dahilan
kundi parusa'y tanggapin sa iyong kasalanan
at sa kilusan ay dapat umalis nang tuluyan

mahalaga sa kilusan ang loob na malinis
dito'y punung-puno ng sakripisyo't pagtitiis
sa kilusan, mga kasamaan ay tinitiris
walang puwang ang pusakal na dapat mapaalis

mahalaga dito ang dalisay nating adhika
may disiplina't tangan yaong prinsipyong dakila
tinatanggal yaong ugaling tulad sa kuhila
pinaiiral dito'y pag-ibig sa ating kapwa

kaya kung nais mong magtagal sa kilusang ito
yayakapin mong buo ang disiplina't prinsipyo
kapwa'y ipagtanggol, di dapat inaagrabyado
pahalagahan ang dangal at pagpapakatao