Huwebes, Abril 2, 2009

Isa lang akong maralita

ISA LANG AKONG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig


Isa lang akong maralita
nakatira sa barung-barong
ako’y mahirap pa sa daga
laging kumakain ng tutong

Turing sa aki’y hampaslupa
ng mga mayamang ulupong
akala sila ang bathala
gayong sila ang mandarambong

Ang nais ko’y maging malaya
ayokong laging nakakulong
sa paghihirap, dusa’t luha
kahit ulam lagi’y bagoong

Isa man akong maralita
nais ko pa ring makatulong
pangarap ko sa bawat dukha
isama sa bawat pagsulong

Labanan ang Demolisyon

LABANAN ANG DEMOLISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

ang bahay ng maralita'y dinedemolis
ng mga taong sadyang walang kasingbangis
maralita'y lagi na lang pinaaalis
sila'y dinudurog na akala mo'y ipis

hindi ba't pabahay ay isang karapatan
ng lahat ng tao, ng bawat mamamayan
ngunit bakit tinatanggalan ng tahanan
dinadala sa lalo't lalong kahirapan

ano bang klaseng gobyerno mayroon tayo
pinababayaang mawasak ang bahay mo
winasak pati buhay, pamilya't trabaho
demolisyon nga'y parang pagpugot ng ulo

ang sigaw nami'y hustisya sa maralita
may karapatan kami kahit mga dukha