ASIN AT PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
minsan isang ginang ang kinapanayam
sa kanyang tahanan, anong inuulam
lalo't magpapasko, masarap ba naman
sa kanyang asawa'y ano ang pulutan
ngunit itong ginang na isang mahirap
ay agad tumugon, walang pagpapanggap
di kaya ng bulsa yaong masasarap
na mga pagkaing kanilang pangarap
ilang pasko na raw, noche buena'y tuyo
ang puto bumbong daw ay isa nang luho
tinda nilang isaw, paa, pakpak, dugo
ang kanilang ulam, kahit hinahapo
di raw masustansya, anang nagpanayam
yaong kinakain ng nasabing ginang
wala raw ba siyang pangarap man lamang
na kumain kahit sa mga restawran
tumugon ang ginang kahit nahihirin,
"di sapat ang kita sa luhong pagkain
ayokong dagdagan ang alalahanin
masaya na akong magdildil ng asin"
nagpanayam naman ay agad tumugon
"nawalan na kayo ng imahinasyon
ayaw nyong tumikim kahit man lang litson
parang kayo'y ayaw mangarap na ngayon?"
ang tugon ng ginang, "may bukas pa nga ba
sa lipunang itong pawang luha't dusa
tingnan mo ang aking anak at asawa
pawa nang maysakit, may bukas ba sila?"
"may pag-asa pa po," payo ng kausap
"ngayon po'y simulang muli ang mangarap
huwag makuntentong asin ang malasap
isang bagong bukas ang likhaing ganap"