Linggo, Setyembre 23, 2012

Bukangliwayway ng Paglaya


BUKANGLIWAYWAY NG PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bukangliwayway ng paglaya'y darating din
balang araw, makakamit din ang layunin
na minamahal na bansa'y palalayain
mula sa sistemang sadyang mapang-alipin

Pilipinas at Burma'y parehong nalagay
sa ilalim ng diktadurang mapanluray
ng dangal ng bayan, kayraming humandusay
pinahirapan ng rehimen at namatay

ang paglaya'y nagsisimula sa pangarap
anumang suliranin ay kinakaharap
maaalpasan natin ang pighati't hirap
balang araw, paglaya'y ating malalasap

ngunit malalasap ito kung may kikilos
panahon nang wakasan ang pagkabusabos
diktadura’y gawing bangkay, lagyan ng tulos
na kandilang tandang buhay nito’y natapos

daratal din yaong bagong bukang-liwayway
at ang sambayanan ay magsasamang tunay
upang bagong sistema sa lupa’y ialay
hanggang makamit yaong asam na tagumpay

- sa isang kainan at inuman kung saan nakakita kami ng maliit na elepante, gabi, Setyembre 22, 2012

Mga Kukong Mararahas


MGA KUKONG MARARAHAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang masang api'y kailan makakaalpas
sa pagkakasaklot sa kukong mararahas
sinong pipigil sa sistemang mapang-utas
ng pagkatao't karapatang dapat patas

diktaduryang marahas sa Burma'y sumaklot
lagim sa buong bayan ang duo'y bumalot
kayraming aktibistang pinaslang, dinukot
parang Pilipinas noong balot ng takot

sa sitwasyong ito, ako'y nananawagan
ang taga-Burma't Pilipino'y magtulungan
mag-organisa, organisahin ang bayan
ibagsak ang gahaman tungong kalayaan

kukong mararahas, di dapat manatili
tumitindi na ang tunggalian ng uri
dapat iwaksi ang pribadong pag-aari
na pribilehiyo ng mga naghahari

wakasan ang pandarahas sa taumbayan
ipaglaban natin ang ating karapatan
kunin natin ang marapat na katarungan
at ipagtagumpay ang ating kalayaan

- Setyembre 22, 2012, bandang hapon, sa DPNS School, doon muna kami bago maghapunan, matapos ang paglalakbay sa hangganan ng Burma’t Thailand; sa balkonahe ng DPNS School ay may isang makapal na aklat doong pinamagatang “Dying Alive: A Legal Assessment of Human Rights Violations in Burma” na sinulat ng isang Guy Burton; binasa ko ito’t ng kasama kong Pinay at marami kaming natutunan dito

Pagpapakain ng mga Isda


PAGPAPAKAIN NG MGA ISDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

i
malapit iyon sa pagodang tila nabagsakan
kayraming malalaking isda ang naglalanguyan
tila kaydaling mahuli basta't iyong painan
kaysarap ihawin nitong isdang nagtatabaan

babatuhan ng pagkain, ulo'y maglilitawan
mga matatabang isda'y sadyang nag-uunahan
sa pagpapakain, kami nga'y nagkakatuwaan
at nagsitigil lang ng pagkain na'y maubusan

ii
mabuti pa ang isda't di tulad ng pulitiko
nahuli na sa bibig, di pa aaming totoo
kaytatabang isda ngunit pawang mga bolero
nais laging iboto kahit na di nagseserbisyo

pinatataba ng masa ang mga isdang ito
habang laspag yaong lakas-paggawa ng obrero
tuwang-tuwa naman ang mga tarantadong trapo
lalo yaong kaytatabang kapitalistang tuso

- matapos pumasok sa ikalawang pagoda ng araw na iyon, katabi ang parihabang palaisdaan, Setyembre 22, 2012

Pagodang Tila Nabagsakan


PAGODANG TILA NABAGSAKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tila kaybigat ng dumagan sa pagoda
na nagpagandang lalo sa arkitektura
imbis na tuwid ay baliko ang itsura
pagoda itong dinalaw na pangalawa
ng Sabadong inilaan sa pagbisita

may  mongheng tila tanod sa unang palapag
tila sa manggugulo, siya ang uumbag
ngunit payapa doon, dambana’y kayrilag
lalo na roon sa ikalawang palapag
ang kalooban mo’y tiyak mapapanatag

- ikalawang pagodang aming dinalaw, Setyembre 22, 2012, bandang hapon

Pagodang Tinatanuran ng Manok


PAGODANG TINATANURAN NG MANOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kaylalaki ng mga manok na nagtatanod
istatwa lamang ngunit sa amin nakatanghod
tila nagbibigay-pugay, sila’y nalulugod
na sa pagodang iyon kami’y maninikluhod

sapatos ay kailangang hubarin at iwan
ito’y kultura’t tanda ng pagbibigay-galang
sa Buddha’t sa taga-Burmang aming kasamahan
nakiluhod din habang iba’y nagkokodakan

- unang pagodang aming dinalaw noong Setyembre 22, 2012, bandang hapon; iba ito sa napuntahan ko ng nakaraang araw

Sa Pamilihan


SA PAMILIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludto

matapos ang isang oras sa Burma’y nagpahinga
sa Mae Sot, naupo muna sa bangkô sa hangganan
mga kasamang Burmes at kami’y muling nagkita
at doo’y pinasok namin ang isang pamilihan
namili na ng pasalubong ang mga kasama
para sa pamilya, katrabaho, at kaibigan
malong, pulseras, bag, t-shirt, souvenir, at iba pa
tandang minsan man, dumatal kami sa Burma’t Thailand

- sa pamilihan sa Westernmost Point, Setyembre 22, 2012

Makasaysayang Tulay sa Pagitan ng Burma't Thailand

MAKASAYSAYANG TULAY SA PAGITAN NG BURMA'T THAILAND
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

maikli lang yaong tulay na aming nilakaran
tila tulay ng Quiapo, ito’y makasaysayan
maliit na ilog ang pagitan ng Burma’t Thailand
may Imigrasyon sa pagbaba nito, sa hangganan

pag galing ka sa Mae Sot, nasa bandang kaliwa ka
at sa kalagitnaan ng tulay, kakanan ka na
dahil kanan na ang linya ng kalsada sa Burma
di tulad ng Thailand, kaliwa ang pagpapasada

ang tulay daw na iyon ay sadyang makasaysayan
simbolo na ang dalawang bansa’y magkaibigan
nang wala pang tulay, daang yao’y pinagtakasan
ng mga lumalaban sa diktadurang gahaman

tinayo iyon para sa karapatang pantao
tandang dangal ng bawat isa’y dapat irespeto

- pagtahak sa Thai-Myanmar Friendship Bridge, sa hangganan ng Mae Sot sa Thailand at sa Myawaddi sa Burma, Setyembre 22, 2012

Isang Oras sa Burma


ISANG ORAS SA BURMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa hangganan ng Thailand at Burma sa Mae Sot
umaga pa lang doon kami pumalaot
sa Imigrasyon, pasaporte'y iniabot
nang tinanong, turista kaming maglilibot

hanggang ikalima ng hapon lang daw kami
at naglibot na kami doon sa Myawaddi
nabili ng kasama'y isang kahang yosi
habang kami nama'y di na nakapamili

nasok kami ng ikasampu ng umaga
di matao roon, tila kayhirap sa Burma
patay na oras, may tambay, pulos kalsada
pamiliha'y tila kaylayo, saan ka pa

saan kami patutungo, di namin alam
basta lakad, lakad, lakad, nag-aalangan
init ng araw ay sadyang di na mainam
at nagpasya kaming magsibalik na lamang

sa unang impresyon, tila walang pag-unlad
maraming tambay, sa kalsada'y nakababad
pinapatay ang oras, mukha'y maaaskad
tila kayrami nilang mga sawimpalad

ngunit teka, di pa iyon ang buong Burma
sa laylayan pa lang niyon kami napunta
baka sa sentro, may kaunlaran na sila
kahit pinamumunuan ng diktadura

alas-onse sa Mae Sot agad nang bumalik
nilakad ang tulay habang araw ay tirik
isang oras lang, namatay ang pananabik
di pa iyon ang Burma, sa isip sumiksik

- Setyembre 22, 2012, Myawaddi, sa loob ng Burma