Linggo, Pebrero 14, 2021

Kwento ng paslit

Kwento ng paslit

anong kukulit
ng batang paslit
naggupit-gupit
nagpagkit-pagkit

kanya pang hirit
wala pang damit
na magagamit
sa piging, bakit?

buhay ay gipit
at nasa bingit
ng laksang sakit
na di masambit

lupa'y inilit
mundo'y pasakit
kanyang sinapit
ay anong lupit

sariling bait
niya'y nawaglit
kita ang lawit
litaw ang puwit

kanyang nabanggit
pupuntang langit
ang nasasambit
pasabit-sabit

- gregoriovbituinjr.

* Litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Itanim natin ang binhi

Itanim natin ang binhi

tara, tayo'y magtanim-tanim
nang balang araw, may anihin
at tiyaking may gugulayin
pag namunga, may makakain

magtanim sa paso ng gulay
magtanim sa bukid ng palay
itanim sa diwa ang pakay
pati na pangarap na lantay

itanim natin ang rebolusyon
sa mga bagong henerasyon
patungo sa dakilang misyon
ng pagbabagong nilalayon

ipinta natin ang larawan
nitong lipunang inaasam
ipinta bawat agam-agam
at hanapan ng kalutasan

bungkalin ang lupang mataba
nitong magsasakang dakila
tutulungan ng manggagawa
huwag lang ariin ang lupa

pagkat pribadong pag-aari
ang sa hirap at dusa'y sanhi
itatanim natin ay binhi
ng pagkakaisa ng uri

- gregoriovbituinjr.

* Litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Ang karatula ng pag-ibig

Ang karatula ng pag-ibig

nagpa-selfie sa karatula
"All you need is love" ang nabasa
animo'y payo't paalala
sa dalawang naroong sinta

aba, aba, aba, kaysarap
animo'y nasa alapaap
upang tuparin ang pangarap
upang bawat isa'y lumingap

kailangan ay pagmamahal
sa puso sasandig, sasandal
nawa pagsasama'y magtagal
na pag-ibig ang tinatanghal

all you need is love, anong tamis
pagkat puso ang binibigkis

- gregoriovbituinjr.

Ulap na hugis-puso

Ulap na hugis-puso

civil wedding sa Tanay
umuwi ng Kaylaway
nang sa langit lumitaw
ang pusong anong linaw

ito'y pagpupugay ba
sa amin ng tadhana
di ba kataka-taka
nagsapuso'y ulap pa

ang pangyayaring iyon
nga ba'y pagkakataon
ulap ay nagkatipon
upang bumati noon

pagsinta'y patagalin
hagkan siya't siilin
ng halik at mahalin
sumpaan ay tungkulin

sa anumang labanan
ay wala ngang iwanan
ito'y isang sumpaan
na hanggang kamatayan

ulap na hugis-puso
salamat sa pagsuyo
magkasundo ang payo
pag-ibig ang pangako

- gregoriovbituinjr.